Direktor, tinawag na ‘next Bea Alonzo’ si Elisse
Aminado ang real-life couple na sina McCoy de Leon at Ellise Joson na nang i-offer sa kanila ang Vivamax Original movie na Habangbuhay ay medyo nagdalawang-isip sila na tanggapin ito.
“Ang haba po ng process before we actually were able to do this film. Siguro, ‘yung deciding factor is because nga we have to consider na we have a baby and also, the work circumstances na pandemic tapos may baby kaming kasama,” ani Elisse sa digital conference kahapon para sa nasabing pelikula.
Isa pa nga raw worry nila ay baka hindi na bumagay sa kanila ang pelikula na tungkol sa young love ang tema since may anak na nga sila.
But eventually ay nagdesisyon daw sila na gawin ito at nagpapasalamat daw sila sa producers na sa kanila ipinagkatiwala ang movie.
At tuwang-tuwa naman daw sila sa naging resulta ng pelikula.
“Nakakatuwa po na seeing the sneek peak, pwede pa pala,” masayang sabi ni Elisse.
Maging ang direktor na si Real Florido ay bumilib sa acting na ipinakita ng McLisse at tinawag nga niyang next Bea Alonzo si Elisse dahil sa husay na ipinamalas nito sa movie.
“I would say, you know, Elisse, maybe you’re the next Bea Alonzo. I mean, that’s how good she is. Pero magugulat din kayo kay McCoy kung gaano kalaki ‘yung range na kaya niyang ibigay.
“So, itong dalawang young actors na ito, you know, mahaba pa ‘yung tatakbuhin ng career nila. I’m not overpatronizing the project, but sobrang happy ako that I got them as the main actors in Habangbuhay,” ani Direk Real.
Ito ang comeback project ng McLisse after Sakaling Maging Tayo in 2019.
That time ay wala pa silang baby kaya iba raw talaga ang pakiramdam then and now na may anak na sila.
“First time ulit namin na magka-project together and first time namin na may batang naiwan. Kaya excited na gustong umuwi rin and excited na magka-work ulit,” sabi ni McCoy.
Asked kung masasabi ba nilang pang-habang buhay na ang kanilang relasyon, matunog na “yes” ang kanilang sagot.
“Yes, pang-habangbuhay na ito. Kasi, wala, eh, kagabi nga lang, nagpapasalamat ako sa Diyos kasi may trabaho ako, may masayang pamilya. Sobrang kuntento ako sa buhay ko ngayon and ‘yun, sobrang happy,” sey ni McCoy.
Si Elisse naman ay nangakong nandito siya parati sa tabi ng kanyang mag-ama through all the ups and downs.
Sa pelikula, si Elisse ay gumaganap na Bea na may sakit na Common Variable Immune Deficiency (CVID) subalit nananatiling masayahin at may positibong pananaw.
Si McCoy naman ang gumaganap na JR, ang houseboy nina Bea.
Naging magkalapit sila ni Bea dahil sa interes nila sa musika, hanggang tuluyan na nga silang ma-in love sa isa’t isa.
Mapapanood na ang Habangbuhay sa April 20 sa Vivamax Plus at sa April 22 sa Vivamax.