Suspek Ang arestadong suspek. Photo courtesy ng Pangasinan Provincial Police Office

DENTISTA HINOSTAGE NG ‘PASYENTE’

April 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 336 views

MASAKIT na masakit ang ngipin po.” Pagkasabi umano nito ay tinutukan ng patalim ng security guard ang leeg ng babaeng dentista. Sa kagustuhan ng pekeng pasyente na makita ang kapatid na inakusahan ng panggagahasa ng sariling anak ay naisipan nitong magpanggap na masakit ang kanyang ngipin at i-hostage ang biktima.

Nailigitas ng mga awtoridad ang dentista mula sa pangho-hostage ng security guard sa loob ng kanyang clinic nitong Sabado ng umaga sa Mangatarem,Pangasinan.

Kinilala ni Mangatarem Police chief Major Arturo Melchor Jr. ang biktima na si Dr. Kimberly Ragudo.

Arestado ang suspect na si Gerardo Paquiz, security guard, sa isang paaralan sa lalawigan.

Batay sa unisyal na ulat ng Mangatarem PNP, ang insidente ay naganap dakong 10 a.m. sa clinic ng dentista na matatagpuan sa Barangay Calbo.

Nagpanggap umano ang suspect na pasyente na masakit na masakit ang ngipin na nangangailangan ng mabilisang lunas.

Nang makapasok sa clinic ng dentista ay agad umanong inilabas ng suspect ang kanyang patalim at itinutok sa leeg ng biktima at hiniling na makita ang kanyang kapatid na akusado naman ng panggagahasa sa anak na menor de edad ng biktima noong nakaraang taon.

Tumagal ng 20 minuto ang negosyasyon hanggang sa makakuha ng pagkakataon na masagip ang biktima mula sa kamay ng suspect.

Nakipag-agawan umano ang mga pulis ng patalim sa suspect hanggang sa mabitawan niya ito, kasabay ng pagkakahulagpos ng biktima.

Nagtamo ng bahagyang sugat sa braso ang biktima dahil sa insidente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.