Dapat sigurado na ang mga tren

November 3, 2022 Paul M. Gutierrez 113 views

PaulBUMUNGAD sa balita at sa social media ang mahabang pila ng mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 o MRT 3 at ng Philippine National Railways (PNR) na naaberya nitong Miyerkules matapos ang mahabang bakasyon.

Siyempre malaking perwisyo nga ito sa publiko dahil malaking tulong talaga ang mga tren bilang mas mabilis na transportasyon lalo na dito sa Metro Manila na isang malaking sakit ng ulo talaga kapag inabot ka ng trapik.

Isa pa di hamak na mas abot kaya ang pamasahe dito kaya naman kahit na mahaba ang pila ay talagang ito pa rin ang pipiliin ng mga pasahero.

Kaya naman hindi mapipigilan na madismaya ng marami sa aberyang ito dahil matapos ang mahabang bakasyon pa ito nangyari. Hindi ba dapat ay ginamit ng pamunuan ng MRT at PNR ang mahabang bakasyon na ito para matiyak ang kondisyon ng mga tren at riles?

Ibig sabihin, sana ay matapos ang mahabang bakasyon ay natiyak ang maayos na daloy ng operasyon nito. Ang alam natin mga kababayan ay dati na itong ginagawa ng Department of Transportation (DOTr) tuwing may long weekend o long vacation. Sinasamantala nila ang ganitong panahon para maayos ang mga dapat ayusin upang mabawasan ang mga ganitong aberya.

Dahil siyempre, talagang malaking tulong ang mga tren dito sa Metro Manila at sadyang maraming umaasa sa serbisyong ito. Kaya ito ang kailangang tinitiyak na laging maayos at hangga’t maaari ay maging limitado ang mga aberya. Ngayong Miyerkules ay sana hindi nagkataon lang na nagsabay pa ang MRT 3 at PNR.

Kaya tanong natin ngayon anong nangyari sa DOTr at nangyari ang ganitong aberya na nakaperwisyo sa mga mamamayan?

Sa totoo lang mga kababayan, hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa lahat ng lugar ay malaki ang tulong ng mga tren hindi lamang sa pagpapabilis ng transportasyon kundi maging ng ekonomiya.

Alam natin na kung saan nagkakaroon ng linya ng tren ay nagiging buhay at lumalago ang pag-unlad sa mga lugar na ito. Bumbilis ang development kung mabilis ang transportasyon. Kaya naman hindi lamang pagbyahe ng mga pasahero ang nakasalalay dito kundi maging ang pag-unlad ng mga lugar dito.

Ganito kahalaga ang ating mga tren sa kasalukuyan na kahit alam natin na may kalumaan na talaga ang ilan sa mga ito ay talagang dapat lamang mas nagiging maalaga ang mga pamunuan ng mga riles ng tren.

Minsan talagang malulungkot ka at maaawa sa mga pasaherong nagtiya-tiyagang pumila sa mga tren natin lalo na kung rush hour. Hindi na minsan maikakaila na talagang kulang ang serbisyong natatanggap ng mga mamamayan dito.

Lalo na ngayong nasisimula nang bumalik sa normal ang takbo ng ating ekonomiya. Nagsisimula nang muling magbukas ang mga eskwelahan at mga negosyo. Talagang malaki ang pangangailangan sa ating mga tren.

Isabay pa ngayong papalapit na ang Kapaskuhan kaya naman asahan na natin ang pagdami ng pasahero hindi lamang sa mga tren kundi sa lahat ng pampublikong sasakyan.

Kung magpapatuloy ang mga ganitong aberya sa tren ay talaga perwisyo ang aabutin ng mga umaasa dito. Pero to be fair, ika nga sa DOTr, mas napansin natin na mas naging kaunti ang naging aberya ng mga tren mula nang maupo sa puwesto si dating Pangulong Duterte kumpara sa dating administrasyon. At ito pa lamang ang alam nating una sa pamumuno ni Pangulong BongBong Marcos.

Hindi dapat tinitignan ang mga tren bilang mga sasakyan na pagkakakitaan lamang kundi dapat ay nakikita nila ang mga ito na repleksyon din ng kanilang liderato o pamumuno.

Sa ngayon, dahil may kalumaan na ang ilan sa ating mga tren at riles ng mga ito ay kailangan na lang natin manalangin na huwag sanang maging madalas ang mga aberya.

Dahil hangga’t umaasa tayo ng mga tren sa ibang bansa at hindi tayo ang gumagawa sa mga ito, magtitiis tayo sa kung anong mapaglumaan ng mga bansang magbebenta sa atin.

AUTHOR PROFILE