Salamat PCSO!

November 3, 2022 Marlon Purification 154 views

Marlon PurificationISINUSULAT ko ito’y umabot na sa 150 katao ang ipinalalagay na nasawi mula sa hagupit ng bagyong Paeng.

Base sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 94 rito ang kumpirmadong namatay habang 56 na iba pa ang ‘for validation.’

Sa agrikultura ay umabot na sa P2.4 billion ang nasalanta, habang aabot naman sa P2.8 billion ang na-damage mula sa imprastraktura.

Tunay na malungkot na balita ito gayung hindi pa man nakababangon ang bansa mula sa dagok ng pandemya ay kabi-kabilang pagsubok pa ang dumarating sa ating mga kababayan.

Ang higit na nakalulungkot, ang mga labis na naapektuhan ni Paeng ay tiyak mangungulila mula sa namayapa nilang mahal sa buhay lalo’t nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko.

Sa kabila nito, kitang-kita naman ang pagsusumikap ng pamahalaan upang tugunan agad ang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.

Bago ang pananalanta ni Paeng noong Biyernes ay personal na nakaantabay na ang Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa lahat ng kaganapan.

Isa-isa nitong minomonitor ang bawat galaw ng ahensiya ng pamahalaan na pangunahing may responsibilidad sa pagsaklolo tuwing may bagyo.

Nagtungo pa nga nitong Linggo si PBBM sa Maguindanao kung saan ay nakita nito sa aerial inspection ang pagkakalbo ng kabundukan — bagay na muli nitong pinaigting ang kautusan para sa pagtatanim ng puno!

“Noong nasa helicopter kami ni [Maguindanao Governor] Bai Mariam, na-notice ko lahat ng gumuho kalbo ang bundok. That’s the problem,” anang Pangulong Marcos.

“And I was pointing out to the Governor, sabi ko sa kanya: Tingnan mo ‘yung may kahoy hindi gumalaw ‘yung lupa, lahat nung sugat na makita mo sa bundok dahil kalbo,” ani pa niya.

“So we have to include tree planting in our flood control. Dapat kasama ‘yan. Kung gagastos tayo sa flood control, kailangan may tree planting,” pagbibigay-diin pa ni PBBM.

Nagdeklara rin ng state of calamity ang Pangulong Marcos sa Region 4-A, V, VI at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan nina Sec. Erwin Tulfo at Undersecretary for Operations Jerico Javier ay walang pagod ding nagbigay-tulong sa ating mga kababayan.

Katunayan, umabot na sa P65.9 million ang inilabas agad nilang humanitarian assistance, kabilang ang Family Food Packs at iba pang non-food items. Base ito sa pinakahuling press release na inilabas ng DSWD nitong Oktubre 31.

Kasabay nito, gusto rin nating saluduhan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa maagap na pagbibigay tulong.

Sabado ng umaga pa lang ay nagpadala agad ng tulong ang masipag at magaling PCSO Geneeral Manager Mel Robles.

Halos magdamagan din na bukas ang kanilang tanggapan dahil sa walang humpay na lumalapit sa kanila para humingi ng tulong.

Nitong nakalipas na Lunes ay personal na binisita ni Robles ang Barangay San Jose sa Binan, Laguna para sa pamamahagi ng ayuda.

Si Robles ay sinamahan ng kanilang branch manager na si Lady Elaine Gatdula.

Kung matatandaan, ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezo) ay isinalilaim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 noong Sabado dahil matapos hagupitin ang BARMM, dumaan ito sa Luzon bago lumabas ng Pilipinas.

Sinabi ni Robles na maliban sa Laguna at iba pang probinsiya sa Region 4-A ay inatasan din niya ang lahat ng PCSO branches, kabilang ang lahat ng Authorized Agent Corporations (AACs) upang tumulong sa mga biktima ni Paeng.

“Anuman ang kulay, aayudahan. Gaya ng palagiang sambit ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos. Sama-sama tayong babangon muli,” sabi pa niya

Hindi man masyadong na-highlight sa media o social media, naramdaman ng mga kababayan natin ang tulong na ibinigay agad sa kanila ng PCSO.

Dahil dito, ako na po ang magpapasalamat sa PCSO.

Marami tayong kababayan sa Region 4-A at Mindanao ang nagkuwento sa atin kung paano sila natulungan ng PCSO.

Ang mga ganitong uri ng tulong ay napakalaking bagay upang makabangon sa pagkakalumpo likha ng malupit na trahedya.

Muli, sumasaludo tayo kay Mr. Mel Robles at maraming salamat po muli, PCSO!