Default Thumbnail

Bakuna sa tigdas, rubella, atbp., ilalarga sa Maynila

April 25, 2023 Edd Reyes 220 views

NAKATAKDANG magkaroon ng malawakang pagbabakuna sa buong bansa darating na Mayo 3 laban sa tigdas, rubella, at polio para sa lahat ng mga batang may edad na limang taong gulang pababa.

Ito ang ini-anunsiyo ni Manila Health Department (MHD) head Dr. Arnold “Poks” Pangan sa pagsasagawang muli ng “Kalinga sa Maynila” na pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto Martes ng umaga na ginanap sa Del Pineso Street, San Andres para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng Barangay 796, 797, at 798.

“Maalala po ninyo, nang nagkaroon po ng pandemiya, walang nangyaring bakunahan o kakaunti po ang nagpabakuna ng measles, rubella, at polio. Ayaw na po nating magkaroon ng outbreak, delikado po ‘pag nagkaroon ng measles o tigdas ang inyong mga anak at apo,” pahayag ni Dr. Pangan.

Ayon sa kanya, mismong mga kawani ng MHD ang magtutungo sa bawat barangay upang mabakunahan ang mga batang may edad na limang taong gulang pababa.

Kaugnay nito, inanyayahan din ni Dr. Poks Pangan ang mamamayan, lalo na ang mga senior citizen at mga buntis na magtungo sa pinakamalapit nilang health center upang pakinabangan ang libreng gamot at mga libreng serbisyong medikal tulad ng laboratory test, ultrasound, at Electrocardiography o ECG para sa mga nakakaramdam ng pananakit ng dibdib.

Hinimok din niya ang mga Manilenyo na bumisita sa health centers ng lokal na pamahalaan kung kinakailangan nila ng libreng gamot para sa kanilang karamdaman.

Nilinaw naman ni Dr. Pangan na hindi lahat ng gamot, lalo na ng mga nireseta ng pribadong pagamutan, ay makukuha ng libre sa mga health center.

“Hindi po lahat ng inirereseta ng doktor sa mga private hospitals o clinic ay mayroon po sa ating health centers, may pamantayan po kaming sinusunod. Para po sa kaalaman ninyo, ang mga gamot po na binibili namin at inilalagay sa health centers ay alinsunod po sa yan pamantayan ng Department of Health (DOH). Mayroon pong listahan ang DOH na ibinibigay sa amin na dapat ay yun lamang pong mga gamot na iyon ang maaari naming bilhin,” paglilinaw pa ni Dr. Pangan.

Gayunman, sinabihan ni Dr. Pangan ang mga residente ng Distrito 5 na kung talagang kinakailangan nila ang gamot na nireseta ng pribadong ospital, maaari silang lumapit sa kanilang kinatawan sa Kongreso, na si 5th District Congressman Erwin Tieng na handang balikatin ang kinakailangan nilang gamot.

“Napakasuwerte po ninyo dahil mayroon po kayong tulad ni Cong. Erwin Tieng na may malasakit, mayroon na rin po kayong mobile x-ray at mobile ultrasound na proyekto ng inyong kongresista, iniikot po yan dito sa District 5,” sabi pa ni Dr. Pangan.

AUTHOR PROFILE