Default Thumbnail

Babae nakitang patay sa damuhan sa Muntinlupa

August 3, 2022 Edd Reyes 487 views

PATAY na nang matagpuan ng pulisya ang 25-anyos na babae na walang saplot pang-ibaba sa madamo at masukal na bahagi ng East Service Road Martes ng gabi sa Muntinlupa City.

Ang biktima ay isa umanong production operator at residente ng Sitio Pagkakaisa, Zone 4, Bgy. Sucat habang nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan sa salarin.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, humingi ng tulong sa pulisya ang live-in partner ng biktima na si Virgilio Esguerra matapos niyang marinig ang paghingi ng tulong ng kinakasama habang magkausap sila sa cellular phone.

Nasa kanyang trabaho si Esguerra sa Calamba at kausap niya ang kalive-in na noon ay naglalakad ng pauwi nang biglang maputol ang linya at narinig na lamang niyang humihingi ng tulong ang kinakasama kaya’t ipinabatid niya ito sa kanyang bayaw na kasama nila sa tirahan na siyang nagsumbong sa barangay.

Kaagad namang ipinabatid ng mga barangay tanod sa Sucat Police Sub-Station ang sumbong kaya’t noon din ay ginalugad nila ang masukal na lugar sa East Service Road hanggang matagpuan ang biktima dakong alas-10:30 ng gabi na nakahandusay malapit sa Km. 19, Bgy. Sucat na walang saplot na pang-ibaba at may mga sugat sa ulo at mukha.

Tinangka pang isugod ng nagrespondeng Barangay Sucat Rescue Team ang biktima sa Ospital ng Muntinlupa subalit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.

AUTHOR PROFILE