Default Thumbnail

‘No vendors, no parking policy’ sa piling kalye sa Maynila

August 3, 2022 Edd Reyes 297 views

MATAPOS buuin ang Task Force Against Road Obstruction (TFARO), nilagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang kautusan para sa mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa pagtitinda at pagparada ng mga sasakyan sa piling mga lansangan na pinangalanan ng task force.

Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 19 Series of 2022 na nilagdaan noong Hulyo 26, 2022 ni Mayor Honey Lacuna-Pangan at pinatunayan ni Secretary to the Mayor Atty. Marlon Lacson na inilabas nito lang Martes ng gabi, ipatutupad ang mahigpit na pagbabawal sa paglalatag ng paninda at pagparada ng mga sasakyan sa mga lansangan sa lungsod.

Kabilang ang Juan Luna St. mula C. M. Recto hanggang Plaza San Lorenzo Ruiz; Soler St. mula C.M. Recto hanggang Reina Regente; Blumentritt Road mula Rizal Avenue hanggang A. Bonifacio St.; Sa buong bisinidad ng Plaza Miranda; Gonzalo Puyat St. (dating Raon St.) mula Quezon Blvd. hanggang Rizal Avenue; Carlos Palanca St. mula C Ayala St. hanggang Plaza Lacson; Carriedo St. mula Rizal Avenue hanggang Quiapo Church.

U.N. Avenue mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue; Padre Faura St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue; Pedro Gil St. mula Roxas Boulevard hanggang Quirino Avenue; Paz St. mula Apacible St. hanggang Pedro Gil St.; A. Linao St. mula Quirino Avenue hanggang Apacible St.; Taft Avenue mula Pablo Ocampo St. (dating Vito Cruz) hanggang Plaza Lawton; T. Alonzo St. mula C.M. Recto hanggang Ongpin St.; Zobel Roxas St. mula Osmeña Highway hanggang Pasig Line at Onyx St. mula A. Francisco St. hanggang Zobel Roxas St.

Batay sa ilalim ng Section 2 ng naturang kautusan, ang kahabaan ng C. M. Recto mula Asuncion St. hanggang Juan Luna St. at ang Kalaw St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue ay walang pahihintulutang vendors na makapaglatag ng paninda habang pahihintulutan naman ang pagparada ng sasakyan sa isang linya lamang ng naturang mga lansangan.

Nakasaad din sa EO ng alkalde na ang mga idineklarang Mabuhay Lanes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay mananatili sa ipinaiiral na panuntunan na batay sa regulasyong inilabas ng ahensiya.

Inaatasan din sa naturang kautusan ang TFARO na tiyaking maipatutupad ang mga panuntunang nakasaad sa mandato ng kanilang tungkulin sa lahat na oras.

AUTHOR PROFILE