Default Thumbnail

Vendor dedo sa pananambang sa Baseco

August 3, 2022 Jonjon Reyes 287 views

HINDI na umabot ng buhay ang isang 37-anyos na vendor sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang gunman sa harap ng Baseco Public Market sa Barangay 649 sa Port Area, Maynila ayon sa pulisya.

Nakilala ang biktimang si Jeffrey Lachica, ng Bgy. 649 sa Baseco Compound, Port Area.

Mabilis namang umeskapo ang salarin na ang tangi lang pagkakakilanlan dito ay nakasuot ng pulang kapote.

Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Rodolfo Acosta kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 9:50 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek saka basta na lamang itong pinagbabaril.

Ilang tambay sa lugar ang nagtulong-tulong na maisugod ang biktima sa nasabing pagamutan, subalit dakong 10:50 ng gabi nang ideklara itong patay ng attending physician.

Gayunman agad na pinakilos ni P/Lt. Col. Rodel Borbe ang kanyang mga tauhan sa mabilisang pagdakip sa gunman habang patuloy na iniimbestigahan ang motibo ng pamamaril.

AUTHOR PROFILE