QCPD

Babae nahulog sa ‘Tower’, dedo

July 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 576 views

PATAY ang isang hindi pa nakilalang babae matapos na mahulog umano sa Manhattan Heights Tower D, sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.

Sa sketchy report ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 7 a.m. (July 17), ng maganap ang insidente sa Jogging Path 4th floor, Manhattan Heights Tower D, na matatagpuan sa Gen. Romulo Ave., Araneta City, Brgy. Socorro, Cubao.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Lemuel Escleto, isang taxi driver umano ang nakaparada sa labas ng gusali nang makarinig ng malakas na kalabog mula sa itaas ng Tower.

Nang tingalain umano ng driver ay nakita niya ang isang babae na nakakawit pa ang mga kamay sa bakod mula sa ika-apat na palapag.

Agad na ipinagbigay-alam ng driver sa duty lobby guard na si Rafael Navarro Jr. ang pangyayari kaya agad na niradyohan nito ang kasamang guwardiya na si Joseph Esurena .

Nang magrepondde ang guwardiya ay naabutan niya ang biktima na wala nang buhay na nakahandusay sa bakod ng gusali.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung nagpakamatay, nahulog o sadyang itinulak sa gusali ang biktima.

Inaalam pa rin ng pulisya kung ang biktima ay residente sa nasabing gusali.