Vilma

Ate Vi, inabsuwelto ni Claudine sa isyu ng panunulsol

January 7, 2024 Vinia Vivar 180 views

ClaudineRaymartNagsalita na si Claudine Barretto hinggil sa pagkakadawit ng idolo niyang si Vilma Santos sa kanyang mga issue.

Napagbibintangan kasi ngayon ang Star for all Seasons na nag-udyok kay Claudine na idemanda ang estranged husband niyang si Raymart Santiago.

Sa latest Instagram post ni Claudine, nilinaw ng aktres na kailanman ay hindi nakialam si Ate Vi sa kanyang mga desisyon.

Aniya ay nasasaktan siya na nadadamay pa ang idolo niya sa kanyang sitwasyon.

“Being a (Vilmanian), it hurts me to hear that nadadamay ang idol ko sa sitwasyon ko ngayon,” aniya.

“I just want to clear, never nag advice si Ate V tungkol sa mga decision ko. Ang lahat ng advice niya sa akin ay puro postive. To be strong, na lumaban sa buhay, magpakatatag. wala po syang inadvice kundi mahalin ko trabaho ko, mga anak at lalo mga fans/friends ko,” paglilinaw ni Claudine.

“Sinalba nya ang buhay ko pero never syang naki alam sa mga decisions ko. basta’t nandyan lang sya pag kailangan ko ng karamay. gusto ko lang talaga malaman ng tao kung gaano kabuti ang idol ko,” patuloy niya.

Sey pa ni Claudine, pinayuhan lang siya ni Ate Vi na maging matatag para sa mga taong nagmamahal sa kanya at minamahal niya.

“Happy anniversary Ate. mahal na mahal ka naming mga #vilmanians #vilmanianako,” mensahe pa Claudine sa kanyang idol.

Matatandaang nagsimula ang isyung sinusulsulan ni Ate Vi si Claudine dahil sa panayam ng huli sa YouTube vlog ni Luis Manzano kung saan ay ikinuwento niya na kinausap siya ng Star for all Seasons at pinayuhang ipaglaban ang karapatan bilang ina at asawa.

Na-misinterpret ito ng ibang tao at inisip na si Vilma ang nagpayo kay Claudine na idemanda si Raymart.

Samantala, hindi umano totoo ang lahat ng bintang ni Claudine kay Raymart.

Ibinalita ni Ogie Diaz sa vlog nila ni Mama Loi na ayon sa kanyang source ay walang katotohanan ang mga sumbong ni Claudine against Raymart sa vlog ni Luis.

“Ang nagsampa raw ng annulment ay si Raymart Santiago,” ani Ogie.

“’Yung sinasabi ni Claudine daw na 25,000 (pesos) lang ‘yung natira o iniwan sa kanya ay dapat daw i-prove ni Claudine sa korte,” patuloy niya.

“Dahil sa sampu raw na sinabi ni Claudine, ito, ayon sa source ko, ha, ay labing-isa ang mali,” dagdag pa ni Mama Ogs.

Maging ang sinasabi umano ng aktres na walang sustento si Raymart sa kanilang mga anak ay hindi rin totoo.

“Nag-file raw noon si Claudine. Pero sa piskalya pa lang daw, eh, na-dismiss na. Kasi, napatunayan na nagbibigay naman daw si Raymart. So, hindi raw totoo ‘yung sinasabi ni Claudine na hindi nagsusustento si Raymart,” saad pa ng talent manager/vlogger.

Wala naman umanong kaso na isinampa si Claudine laban kay Raymart sa korte at ang aktor pa nga ang nag-file ng annulment.

Matatandaang sinabi ni Claudine sa vlog ni Luis na ipaglalaban niya kung ano ang sa kanya at ni-reveal ang malaking halaga na hinahabol diumano niya kay Raymart.

Deleted na ngayon ang nasabing parte ng interview sa vlog ni Luis.

Anyway, sa ngayon ay hindi pa nagsasalita si Raymart hinggil sa isyung ito although nagpadala na ng statement ang kanyang abogado sa ABS-CBN at pinaalalahanan si Claudine na may gag order na inusyu ang korte sa magkabilang panig.

Nananatiling bukas ang People’s Tonight para sa pahayag ni Raymart o ni Claudine.

AUTHOR PROFILE