Meyt

Direk Darryl at Kim nagpasalamat kay Sarah

May 10, 2024 Ian F. Fariñas 79 views

ABUT-ABOT ang pasasalamat nina Direk Darryl Yap at Kim Molina sa Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa pagpayag umano nito na gamitin ang signature hit song na Sa Iyo bilang theme ng SeoulMeyt, ang ikatlong reunion project nila sa Viva Films.

Sa katatapos na mediacon ng romantic comedy kung saan katambal ni Kim ang real-life partner at “soulmate” na si Jerald Napoles, sinabi ng aktres/comedienne na siya ang pinakanta ng theme song dahil singer din naman siya.

Ang big screen reunion na ito nina Direk Darryl, Kim at Jerald ang ikatlo matapos ang 2019 blockbuster hit na Jowable at Ang Babaeng Walang Pakiramdam noong 2021.

Sa Seoulmeyt, na ani Direk Darryl ay isang parody ng mga K-drama, ginagampanan ni Kim ang papel ni Luneta “Lunie” Paticul, isang social worker at K-drama fan na matatagpuan ang “oppa” na pinapangarap.

Si Lunie ay mula sa isang komunidad na sinalanta at napinsala ng bagyo.

Isang araw, isang kumpanya mula sa Korea ang mag-aalok ng magandang oportunidad na bilhin ang lupa at magtayo doon ng isang port.

Pinapangako rin nila sa mga residente na magbibigay ito ng mga bagong trabaho at mas magagandang pamamahay.

Bilang community leader, si Lunie ang makikipag-negosasyon sa anak ng may-ari ng kumpanya na si Park Ju Tae (ginagampanan ng Korean actor na si Ha Ju-young).

Dahil ayaw makipagkita ni Ju Tae sa mga may-ari ng lupa, aatasan niya ang makulit na assistant niyang si Juanito “Jun” Mamaril (Jerald) na gawin ang trabaho. Mapipilitan si Jun na magpanggap bilang kapatid ni Ju Tae, kaya magta-transform ito bilang Park Jun Jun, isang Koreanong negosyante.

Para mapa-oo si Lunie, dadalhin siya ni Jun sa Korea kung saan aayusin niya ang deal. Kasabay nito, tila nagugustuhan na rin nila ang isa’t isa. Lalo pang magiging riot ang lahat dahil makakaharap din ni Lunie ang tunay na boss.

Sa kabila ng mga kalokohan at mga hamong dala ng ibang kultura, mag-translate kaya ang feelings nina Jun at Lunie sa isang romansa? Ano ang gagawin ni Lunie kapag nalaman niya ang fake persona ni Jun?

Para sa Seoulmeyt, nakipagsanib-puwersa ang Viva at VinCentiments sa Film Line Productions ng Korea, na tumulong din sa pag-produce ng iba pang pelikula ng Viva tulad ng Indak at ’Yung Libro Sa Napanood Ko.

Tiyak na magpapaulan ang Seoulmeyt ng katatawanan at pag-ibig sa isang kwentong sumasalamin sa pagiging matatag at masayahin ng mga Pilipino. Kasama rin sa cast ng pelikula sina Candy Pangilinan, Alma Moreno, Isay Alvarez, atbp.

AUTHOR PROFILE