Default Thumbnail

Ano natutulog o makakalimutin na?

May 16, 2022 Erwin Tulfo 499 views

TulfoILANG linggo pa lang matapos ipasara ni Pangulong Duterte ang e-sabong sa buong bansa, naglipana na naman ang naturang sugal.

Ipinasara ng Pangulo ang online sabong matapos irekomenda ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa punong ehekutibo dahil sa problemang dulot daw nito sa lipunan.

Bagamat daan-daang milyon ang kinikita ng pamahalaan dito buwan-buwan minabuti ng Pangulo na ipasara pa rin ito dahil aniya na sa masamang epekto raw nito sa pamilyang Pilipino.

Pero ngayon balik operasyon ang mga online sabong ngunit iligal dahil sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga lisensya ng e-sabong operations matapos nga na ipag-utos ng Pangulo.

Subalit, ang nakapagtataka, walang ginagawa si Sec. Ano at ang kanyang kapulisan sa iligal na sugal. Tanong tuloy ng ilang maruruming isip, may “lagay” kaya si Ano at tila hindi niya pinapahuli ang mga naglipanang muli na iligal e-sabong?

In fairness kay DILG Sec. Ano, hindi raw ito tumatanggap ng lagay. Kaya sa aking palagay, baka natutulog lang sa pansitan si Ano o di kaya’y makakalimutin na dahil matanda na rin ang kalihim?

At dahil hindi makapag-operate ang mga malalaki at lisensyadong online sabong matapos isuspinde nga ng Pangulo ang kanilang mga license, nagkalat ngayon ang mga illegal websites ng mga sabong sa internet.

Ang problema, sa halip na kumita ang gobyerno, sa mga bulsa ng mga may-ari ng mga websites nito napupunta lang ang milyon-milyong kita. Ang masaklap pa, nabalewala ang utos ng Pangulo na itigil ang e-sabong dahil sa masamang epekto nito.

At hindi natatapos ang problema diyan…dahil wala pang regulasyon na ipinapatupad, pati mga bata pwedeng tumaya at ang mga matatanda naman ay lalong nalulong sa bisyong ito dahil nga wala ng oras itong sinusunod.

Nagtataka tuloy ng mga ligal at lisensaydong e-sabong operators kay Sec. Ano, pinatigil daw sila dahil sa masamang epekto nito pero hindi naman pala niya kaya ipatigil ang mga iligal na e-sabong ngayon na wala namang ambag sa pamahalaan.

Ang nakapagtataka pa, hindi rin daw hinuhuli ng mga otoridad ang mga iligal na e-sabong ngayon dahilan para makapag-isip ang mga tao na baka nasa “payroll” na ng mga operators na ito ang mga opisyal na matatapos na rin ang termino pagbaba ni Pangulong Duterte?

Sinusunod pa raw kaya ng mga otoridad tulad ng pulis at NBI ang utos ng boss nila na si Pangulong Duterte o nagbibingi-bingihan na sila dahil pababa na ang Panguo sa pwesto?

Nangako naman si Executive Secretary Salvador Medialdea na kaagad ipaalam sa DILG ang problema, suballit hanggang ngayon ayaw kumilos ang natuirang ahensya. Bakit kaya?

Secretary Ano, may isang buwan pa kayo sa inyong pwesto, kilos para hindi kayo mabansagan na inutil, Sir!!!

AUTHOR PROFILE