Default Thumbnail

Silang mga ‘nangmamata’ kay Robin Padilla

May 16, 2022 Allan L. Encarnacion 732 views

Allan EncarnacionKUNG mayroon mang unang dapat magalit kay Robin Padilla, ako na siguro iyon!

Una, mas guwapo sa akin, pangalawa, mas matangkad sa akin, at pangatlo, bigla na lang akong iniwanan ng misis ko para magpakuha ng picture sa kanya noong minsang nagkita-kita kami sa farm ni Ninong Totoy sa Nueva Ecija.

Katunayan, hindi lang siya ibinoto ng misis ko, ikinampanya pa niya sa akin at sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan!

Kidding aside, iyong mga humuhugot ng pangmamaliit kay Robin dahil naging topnotcher senator sa katatapos na eleksiyon, kailangan nyo munang magsaliksik at pakinggan ang mga interview niya. Interview na kahit noon pa at hindi lang nitong election period.

Matapos ikampanya sa akin ng aking misis, hinalungkat ko nga ang mga interview ni Robin pati na ang iba pa niyang aktibidad sa mga nakaraang hindi pa siya kandidato.

Ang una kong napansin sa kanya, marunong sumagot at may laman ang kanyang mga isinasagot. Alam mong may aral at may research kapag papakinggan mo ang kanyang mga sinasabi. Wala siyang mga motherhood statement tulad ng ibang pulitiko.

At ramdam mo sa kanyang mga sagot na wala siyang arte, walang paki basta ilalatag niya ang kanyang puntos nang hindi nakakasakit sa kausap niyang media na minsan, halatang judgmental naman.

Kung mayroon mang grado ang sinsiridad sa pakikipag-usap sa kahit kanino, malamang si Robin na iyong nasa A1 list. Hindi siya iyong walang pinag-aralang actor tulad ng alegasyon ng iba, criminology graduate pala si Robin.

Hindi ko nga alam doon sa mga lumalait kay Robin kung mayroon man lang ba silang natulungan pamilya kahit isang gatang na bigas. Sa totoo lang, hindi mo rin matatawaran ang dami ng natulungan ni Robin, lalo na sa rehiyon ng Mindanao.

Basta ang problema ay para sa mga kapatid nating Muslim, ang palaging una mong makikitang gumagawa ng solusyon ay si Robin. Mula sa kalamidad hanggang giyera, palagi mong makikita si Robin na naroon. Hindi siya umeepal dahil may camera, marami ang nagsasabing ubos na lahat ang pulitiko kapag nag-alisan na ang mga camera pero si Robin, naroon pa, mag-isang bumabalik, mag-isang naghahatid ng tulong nang walang propaganda.

Lahatin na natin, sino ba sa atin ang kayang ibigay ang sariling bahay para gawing tirahan at paaralan ng mga kabataang at pamilyang Muslim? Mula pagkain, tubig, ilaw at mga pasilidad ay provided ni Robin na walang saklolo mula sa gobyerno.

Hindi rin maitatanggi na si Robin ang isa sa pinakamalakas kay Pangulong Duterte mula nang ito ay manalo noong 2016. Sa loob ng halos anim na taon, wala tayong narinig na pang-aabuso ni Robin or nakialam sa kontrata ng gobyerno at nang-impluwensiya para makuha ang kontrata.

Marami tayong narinig na actor at mga malalapit kay PRRD na naghanapbuhay mula pa noong 2016 pero itong si Robin, baka kahit isang pakong bakya ay hindi ito nangontrata sa Duterte administration.

Doon mo nga siya hahangaan sa kanyang sinsiridad na masyado nang madalang sa klase ng ating pulitika ngayon.

Kaya nga doon sa nga umaalipusta sa isang Senador Robin Padilla, marami naman sigurong salamin sa inyong paligid. Bago kayo magsalita ng masakit at masama laban sa kanya, humarap muna kayo sa salamin at tanungin ang inyong mga sarili: may naitulong na ba ako sa kapwa ko? May nagawa na ba ako para sa bayan ko? Handa ba akong magsakripisyo at magpunta sa mga kabundukan ng Mindanao para tumulong sa usapin ng kapayapaan?

Handa ko bang ibigay ang aking kinikita para sa mga mas nangangailangan tulad ng ginagawa ni Robin sa mga extra at mga movie workers?

Kapag ang sagot mo sa mga tanong na yan ay hindi, aba’y humingi ka ng paumanhin kay Robin dahil ang minamaliit mong tao ay mas puro sa iyo, mas mabuti sa iyo at mas totoong tao kaysa sa iyo.

[email protected]