Fire

Anak niligtas ina sa sunog, dedo!

August 29, 2023 Gil Aman 329 views

2 pinsan iniligtas din

PATAY sa nasunog na bahay ang isang lalaki na nagawa pang mailigtas ang kaniyang nanay gayundin ang dalawa nitong pinsan, matapos makulong pagbalik nito sa kuwarto ng kanilang bahay, Lunes ng madaling araw sa Calamba City sa Laguna.

Kinilala ni P/LT. Col. Milany Martirez, hepe ng Calamba City police, ang biktima na si Frederick Louie Quidat Antipuesto.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), naganap ang insidente dakong 5:30 ng madaling araw.

Ayon sa mga pinsan ng biktima, natulog ang huli sa kaniyang silid sa ibaba ng kanilang dalawang palapag na bahay.

Bandang madaling araw, nagulantang ang biktima dahil sa biglang pagsiklan ng apoy mula sa itaas ng kanilang tahanan sa Block 13 Lot 61, B. Laguna Buenavista Executive Homes sa Barangay Barandal, Calamba City.

Bunsod ng pangyayari, sumigaw ang biktima at agad nitong ginising ang ina at dalawang pinsan upang makalabas sa kuwarto na nasa ikalawang palapag.

Subalit nang makalabas na ang tatlo ay naiwan naman ito sa loob, at sa paglabas nito ay kumpol ng usok at apoy ang sumalubong sa kaniya na naging dahilan upang hindi na ito makalabas hanggang sa masunog ang katawan.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ang BFP sa kanilang imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng sunog at kung magkanong halaga ng ari-arian ang napinsala. Ni GIL AMAN & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE