Allowance ng health workers aprub na… Sana noon pa!!!

February 2, 2022 People's Tonight 366 views

TulfoLUSOT na raw sa Senado ang Senate Bill 2421 o ang “COVID-19 benefits and Allowances for Health Workers Act of 2022.”

Ayon sa naturang panukalang batas, bibigyan ng P3,000 ang ang health worker sa low risk area, P6,000 sa media risk, at P9,000 naman sa nakadestino sa high risk ward sa pribado man o pampublikong health facility.

Kasama sa nasabing panukalang batas na maaring maisakatuparan ilang buwan ngayon ay ang benepisyong babayaran ang health worker kapag nagkasakit o namatay dahil sa exposure niya sa COVID habang nasa trabaho.

Ilan sa mga kaibigan ko na health workers ang natuwa kasabay ang sabi, “It’s about time,” dahil karamihan daw sa kanila lalo na yung sa mga private hospital ay kapiranggot lang daw ang bayad.

May isa nga raw na kilalang medical center sa Quezon Citu pero P3K lang a month ang risk sa nars na direktang nag-aalaga sa COVID patient na nasa sa ICU pa.

Ilang pamilya na rin ang lumapit sa ACT-CIS partylist para magpatulong sa bayarin sa ospital ng kanilang kaanak na nars na dinapuan din ng COVID noong nakaraang taon pero hindi makalabas sa ospital dahil sa malaking hospital bills.

Ang masaklap pa, may ilang nars na na-confine dahil sa virus sa mismong ospital na pinagtatrabahuan nya pero hindi makalabas dahil walang pambayad sa pagpapagamot.

Mabuti na lang at kaagad namang sinagot ng Malasakit Center ni Senador Bong Go ang ilan sa mga hospital bills ng mga health workers na ito.

Malungkot mang isipin pero sa kabila ng paglalagay ng buhay nila sa peligro dahil sa COVID infection, hindi kaagad naisip ng mga mambabatas natin na gumawa ng batas at ipasa kaagad ito para maprotektahan ang ating health workers???

Sinsabing mga “modern day heroes” daw ang mga health workers ngayong pandemic, pero dito sa atin parang walang halaga ang kanilang sakripisyo.

Kung sabagay parang mas maraming media exposure kung ang pag-iimbestiga ng mga anomalya ang uunahin ng Senado at Kongreso.

Hindi naman daw kasi makikinabang ang sambayanan sa “risk allowance”.

Pero kung wala sila, ang mga health workers, na tumingin, gumamot, at nag-alaga sa mga COVID patients sa mga quarantine at health facilities, baka mas marami pa sa atin ngayon ang sumakabilang buhay na maging ang ilang sa ating mga government officials at lawmakers.

Dapat noon pa na-aprubahan ang batas na yan, noong pagpasok at kasagsagan ng pandemya sa ating bayan.

Ilang dosenang mga health workers na kasi ang pumanaw matapos mahawa ng COVID dahil sa pag-aaruga ng mga may COVID.

Kaya sa lahat ng ating heath worker na tinaguriang mga “frontliners”… thank you for your continued service. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE