Default Thumbnail

7th Pandaigdigan Araw ng mga Babae sa Agham

February 6, 2022 Magi Gunigundo 2738 views

Magi GunigundoSA Pebrero 11, 2022 ipagdiriwang ang ika pitong pandaigdigang araw ng mga babae sa agham sa ilalim ng temang “equity, diversity; and inclusion. Water unites us” na may kaugnayan sa Sustainable Development Goal No. 6 (SDG6) “clean water and sanitation”.

Itinatampok ng pagdiriwang na ito ang mahalagang papel ng mga babae bilang mga ahente ng pagbabago at hindi lang mga walang kibong benepisyaryo ng agham. Idinidiin ng pagdiriwang ang mensahe na kailangan ang “human rights based approach” upang makamit ang tuloy-tuloy na kaunlaran na pang lipunan at pang ekonomiya. Samakatuwid, lahat ng tao ay may karunungan na maibabahagi upang makamit ang SDG6. Kaya hindi dapat isantabi ang mga kababaihan na may kakayanan sa agham na magbigay ng kanilang ambag upang mapanatiling malinis ang tubig para manatili ang buhay ng sankatauhan.

Bilang patunay ng mga importanteng ambag ng kababaihan sa agham, narito ang lista ng ilan sa mga importanteng kababaihan sa agham: Ada Lovelace, isang mathematician, ang kauna-unahang computer programmer bago pa dumating ang modernong computer ; Marie Curie, physicist at chemist, ang kauna-unahang babaeng tumanggap ng Nobel prize dahil sa kanyang pagtuklas ng “radioactivity” at mobile x-ray na ginamit sa Unang Pandaigdigang Digmaan; Janaki Ammal, botanist, pinaunlad ang ilang mga hybrid species ng halaman at masigasig na kumampanya para sa biodiversity ng India; Chien –Shiung Wu, physicist, pinatunayan at kininis ang radioactive beta decay na teorya ni Enrico Fermi at tinaob ang teorya ng “parity” sa pamamagitan ng kanyang “Wu experiment”; Katherine Johnson, mathematician, na nagkalkula ng daraanang “orbit” ng spaceship ng mga Amerikano papunta sa buwan at pabalik sa ating daigdig, ang isang gusali ng NASA ay ipinangalan sa kanya at tinampok ang buhay sa pelikulang “Hidden Figures”; Rosalind Franklin, chemist, nakatuklas ng double helix structure ng ating DNA; Vera Rubin, astronomer, nakatuklas ng pagkakaroon ng “dark matter”, isang pambihirang pandikit na siyang may hawak ng kalawakan; Gladys West, mathematician, naglinang ng mathematical modeling ng hugis ng daigdig na siyang pundasyon ng GPS technology.

Ang Pilipinas ay hindi nagkukulang sa bilang ng mga babaeng dalubhasa sa agham. Marami sa kanila ay pinarangalan bilang National Scientist (na kaparehas ng National Artist) na nagpakita ng dedikasyon at mahalagang kontribusyon sa agham.

Nagbibigay pugay tayo sa labing-isang mga Pilipinang National Scientist. Ang kauna-unahang babaeng National Scientist ay si Dra Fe del Mundo na nagtatag ng pinakaunang ospital para sa mga bata – ang Children’s Medical Center sa Banaue St., Quezon City kung saan ako, at ang aking mga kapatid at ilang pinsan, ay ipinanganak. Si Encarnacion Alzona naman ang kauna-unahang Filipina na tumanggap ng PhD at sumulat ng maraming aklat sa kasaysayan ng Pilipinas kabilang dito ang “A history of Education in the Philippines”. Si Clare Baltazar ay isang biologist at sinulat ang libro sa pag-aaral ng insekto sa Pilipinas, nakadiskubre ng 8 species at isang subgenus ng hymenoptera( wasp). Si Gelia Castillo naman ay isang rural sociologist at naglatag ng maraming pag-aaral sa agrikultura at kaunlaran sa kanayunan. Sinulat niya ang “All in a grain of Rice”. Si Mercedes Concepcion naman ang tinawag na “mother of Asian Demography” at tumanggap ng UN Population Award noon 2005 dahil sa kanyang pagsasaliksik sa “fertility, mortality, employment, labor force, women development, and population structure.” Si Lourdes Cruz ay isang biochemist at nagsaliksik ng toxic peptides mula sa lason ng conus marine snail na nangangaso ng isda. Dahil dito nalinang ang biochemical characterization ng mahigit 50 peptides in conus venom, pati na rin ang paggamit ng cono toxins sa pag-aaral ng utak ng tao. Si Clara Lim-Sylianco ay isang biochemist at organic chemist at nagsaliksik ng mutagens, anti-mutagens, bio-organic mechanisms at chemical education. Nakapagsulat siya ng 50 scientific articles, 7 aklat, 5 monographs sa organic chemistry, biochemistry, genetic toxicology at molecular nutrition.

Si Luz Oliveros –Belardo naman ay tumutok sa phyochemistrt- — ang pagsasaliksik sa pagkuha ng essential oils sa mga halaman sa Pilipinas na gamit ngayon sa medisina, pagkain at pabango. Si Dolores Ramirez ay tinawag na “mother cell” dahil sa kanyang pagsasaliksik sa genetic system ng native plants tulad ng niyog at palay. Si Perla Santos Ocampo ay isang pediatrician at nagsaliksik sa diarrheal diseases at malnutrisyon. Dahil dito napaigi ang clinical management at public health safety ng mga bata saPilipinas. Si Carmen Velasquez ay tumutok sa parasitology at natuklasan niya ang 32 bagong species, isang bagong genus ng digenetic trematodes.

Sana’y patuloy na madagdagan ang bilang ng mga Filipinang National Scientists. Mabuhay ang mga Filipina sa larangan ng agham!!!!

AUTHOR PROFILE