Default Thumbnail

Raid sa BI Warden Facility

February 6, 2022 Marlon Purification 836 views

Marlon PurificationHUWEBES ng hapon ko pa nalaman na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PNP-SWAT at BI-Intelligence Division ang Warden Facility ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig City.

Isinusulat ko ito ngayong Biyernes ng umaga ay hindi ko pa alam kung ilalabas ba sa media ng BI officials ang nangyaring pagsalakay na naganap alas-5:00 ng umaga, Pebrero 4.

Isinagawa ang raid matapos mag-tip ang ilang detainees sa loob hinggil sa illegal at kwestyonableng pangangasiwa ng ilang tulisan sa naturang kulungan.

Sandamakmak na laptops, cellphones, aircondition units, Smart TVs at mga appliances na pag-aari ng mga foreigner detainees ang nasamsam ng mga awtoridad.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ngayon ang tumatayong warden na si Immigration Officer Jan Kevin Gomez, pati na ang tumatayong deputy na si Immigration Officer Max Mateo upang malaman kung paano nakalulusot ang mga ganitong uri ng gadget na matagal nang ipinagbabawal ng Department of Justice (DOJ) mismo!

Sinabi ng ating impormante na marami pang dapat kagamitan ang nasamsam ng raiding team, ngunit may nakapagtimbre agad sa biglaang pagsalakay na isinagawa ng PNP-SWAT.

Naniniwala akong sa nangyaring raid, gagawa ng maayos na hakbang si BI Commissioner Jaime Morente para malinis ang mga tiwali sa BI Warden Facilities.

At para makatulong, may isang impormasyon tayong nais ibigay sa kanya.

Hanapin niya ang mag-asawang BI employees na kapwa Job Order ang item.

Sila raw kasi ang tagapasok ng ipinagbabawal na gadgets at appliances ng mga preso sa loob.

Sa laki ng kita ng mag-asawa ay ayaw nang bumalik ng mga ito sa Airport, kahit na doon talaga ang kanilang detailed assignments.

Si Job Order na mister ay kabibili lang ng brand new Toyota Vios dahil sa laki ng kita sa detention.

Kasama sa modus ng mga ito ay ikulong sa bartolina ang mga kade-detain lang na foreigner. Ipo-profile muna saka huhuthutan ng malaking pera.

Maniningil sila ng P300,000 para makalabas sa bartolina ang mga banyagang detaines.

Karaniwan biktima rito ang mga Koreano at Chinese dahil mabilis silang magbayad.

Pati nga raw prostitusyon ay nangyayari diyan sa loob ng detention.

May mga babaing detainees daw ang ibinebenta ang katawan nila sa ibang mga preso kapalit ang P60,000 na bayad sa kanila.

Sa bawat cellphone naman na maipapasok sa loob ay P70,000 ang sinisingil ng mga yan.

Hindi tayo sigurado kung ang mga transaksiyong ganito ay alam ba ng nakatalagang warden.

Kaya kung ako kay Morente, dapat nitong disiplinahin ang lahat ng mga tiwali sa BI warden facility.

Alalahanin sana ni Morente na kasaluluyang nakasalang sa Plenaryo ang pag-amyenda sa bagong Philippine Immigration Law.

Paano aaprubahan ng nga senador ang pakiusap ng BI officials kung puro kalokohan ang ginagawa ng mga tao sa Immigration?

Tandaan sana nating markado pa hanggang ngayon ang Pastillas Scam tapos eto’t may malaking kabalbalan naman sa kanilang bilangguan.

Huwag sana nilang antayin na si Justice Sec. Menardo Guevara pa ang sumawata sa mga BI employees.