Default Thumbnail

5 timbog sa ilegal na tupada sa Valenzuela

November 7, 2021 Edd Reyes 283 views

LIMANG kalalakihan, kabilang ang dalawang senior citizen ang nadakip ng pulisya sa ginawang pagsalakay sa ilegal na tupada Linggo ng umaga sa Valenzuela City.

Minalas na nasakote kaagad ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Albert Verano sina Alfonso Banate,Jr, 53 Robert Ferrer, 40, Rolando Nazaral, 42, Joaquin Cabagnot, 65 at Ely Roxas, 66 habang nagawa naman makatakas ang iba pa matapos magpulasan nang makatunog sa pagdating ng kapulisan.

Nabatid na pasado alas-9 ng umaga nang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen si P/Maj. Marissa Arellano, hepe ng SIS hinggil sa nagaganap na sabong sa bakanteng lote sa Dumpsite, Pinalagad, Malinta kaya’t kaagad niyang inatasan si Lt. Verano na alamin kung may katotohanan ang sumbong.

Matapos maberipika, dakong alas-9:50 ng umaga ay ikinasa ang pagsalakay na nagresulta sa pagkakadakip sa limang sugarol at pagkabawi sa isang manok na panabong na mayroon ng nakalagay na tari at P1,100 halaga ng taya.

Bukod sa kasong isinampa sa mga nadakip kaugnay sa paglabag sa PD 1602 o illegal gambling sa piskalya ng Valenzuela City, inisyuhan din sila ng Ordinance Violation Receipts (OVR) dahil sa paglabag sa social distancing.

Nagpaalala naman si Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr. sa mga mamamayan ng CAMANAVA area na huwag samantalahin ang pagluluwag ng alert level sa Kamaynilaan upang magsagawa ng mga ilegal na aktibidad tulad ng tupada, color games, video karera, sakla at iba pang ilegal na sugal na pinagkukumpol-kumpulan ng mga mananaya kung ayaw nilang masampahan ng kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE