Default Thumbnail

4 sugatan sa pagsabog sa QC

October 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 162 views

APAT ang nasugatan, kabilang ang dalawang senior citizens, sa pagsabog ng kemikal sa Novaliches, Quezon City noong Huwebes.

Nakilala ang mga sugatan na sina Michael Tubiera, 30; Fernando Arcilla, 45; Jerome Arcilla, 62; at Geronimo Arcilla, 60.

Nagtamo ng mga sugat, paso sa katawan at hirap sa paghinga ang mga biktima, ayon sa report. Kasalukuyang nagpapagaling ang apat sa East Avenue Medical Center.

Ayon kay Senior Fire Officer Rick Caranto ng Quezon City Fire District (QCFD), empleyado ang mga nasugatan ng may-ari ng ABAM steel fabrication na si Abigail Arcilla Basa.

Bandang 2:02 ng hapon nang maganap ang pagsabog ng kemikal sa ABAM steel fabrication na matatagpuan sa General Luis Basa Compound, Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City

Sinabi ni Caranto na nangyari ang pagsabog nang putulin sa dalawa ang isang drum na naglalaman ng kemikal at mga residue na nag-trigger ng spark na humantong sa pagsabog.