Default Thumbnail

3 jeep nagkarambola sa QC, 11 sugatan

February 21, 2024 Melnie Ragasa-limena 169 views

SUGATAN ang 11 pasahero matapos masangkot ang kanilang sinasakyan sa karambola ng tatlong pampasaherong jeep sa Quezon City Miyerkoles ng umaga.

Sa report ng Quezon City Police Distict (QCPD) Traffic Sector-5, bandang 10:00 ng umaga (February 21) nang maganap ang aksidente sa Commonwealth Ave., northbound, sa harap ng Robinsons Supermarket malapit sa kanto ng Tandang Sora Ave., Brgy. Old Balara, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay umano ng jeepney driver na si Noel O. Lipango ang Commonwealth Ave, galing Philcoa patungo sa Fairview nang mawalan umano ng brake ang sasakyan at bumangga sa minamanehong jeep ni Fernando B. Cadayona na naging dahilan upang tumagilid ito at tumama sa jeep ni Rolando S. Rubia.

Dahil dito walong pasahero ni Cadayona ang nasugatan habang tatlo naman ang kay Lipango.

Siyam sa mga nasugatan ay dinala sa East Avenue Medical Center para magamot, ngunit hindi pa rin alam ang kanilang pagkakakilanlan sa ngayon.

Nasa kostudya na ng Traffic Sector 5 ang mga tatlong jeepney driver para sa kaukulang imbestigasyon.