Acetylene tank sumabog sa Quiapo, foreman dedo
PATAY ang foreman ng isang construction company nang aksidenteng sumabog ang ginagamit nitong acetylene tank habang nag-wewelding Miyerkules ng umaga sa Quiapo, Maynila.
Naitakbo pa sa Jose Reyes Memorial Hospital ang biktima na si Emilio Esplago alyas ‘Bong”, foreman ng Alleway Construction, subalit binawian din ito ng buhay dahil sa malubhang tinamong sugat nito sa katawan.
Sa ulat ni Police Staff Sergeant Jeus Cris S. Jacalne na isinumite kay Police C Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), dakong 10:40 a.m. nang naganap ang insidente sa Estero De Quiapo na matatagpuan sa Arlegui St., Brgy 385, Quiapo.
Ayon sa imbestigador ng BFP, nasira ang mga dingding ng barong-barong sa gilid ng estero at ilang ari-arian at kagamitan dahil sa lakas ng pagsabog. Inaalam pa kung magkano ang halaga ng pinsala.
Pansamantalang naka-lockdown ang isang pribadong lote na katabi ng estero hanggang sa hindi nakatitiyak na ligtas ang lahat sa panganib.