Truck Ang mga trucks na pinigil ng composite team sa random operation ng Oplan Ligtas Kalsada ng LTO sa national highways ng Visayas noong Huwebes. Litrato courtesy ng LTO-LES

24 truck drivers lango sa droga, arestado

November 26, 2021 People's Tonight 879 views

UMABOT na sa 24 na truck drivers na lango sa illegal drug habang nagmamaneho ang dinakip ng inte-government agencies sa Visayas Region, ayon sa isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Atty. Clarence V. Guinto, Director ng LTO-Law Enforcement Section (LTO-LES) at head ng composite team, ang mga dinakip na mga drivers ay nahuling lango sa illegal drugs sa random checkpoints.

Dagdag ni Guinto na ang patuloy na operations ay isinagawa sa ilalim pa rin ng “Oplan Ligtas Kalsada” na ipinag-utos nina Assistant Sec. Edgar Galvante at Transportation Sec. Art Tugade.

Ilan sa mga truck driver ay nadakip Liloan Port sa Liloan, Southern Leyte at sa national highways ng Visayas region.

Ayon kay Guinto, ilan sa mga pinigil at na-impound na truck ay may lamang mga motorsiklo na idedeliver sa mga magbebenta nito.

Lahat ng mga dinakip na drivers ay positive sa shabu, ayon sa resulta ng test sa tulong ng PNP-Crime Laboratory Service Region-8, saad ni Guinto.

Nasa custody na ng local PNP ang mga nadakip na drivers para sa investigation at inquest procedure ng Prosecutor’s Office ng probinsiya.

Nauna rito, 17 truck drivers na lango sa illegal drugs ang dinakip ng composite team sa Bicol Region nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Guinto, patuloy ang operations ng agency sa Mindanao, Central Luzon at Metro Manila.

AUTHOR PROFILE