MOU para sa RIV road safety education drive pinirmahan
PINIRMAHAN ngayong Biyernes ang Memorandum of Understanding (MoU) sa pagitan ng Metro Pacific Tollways South (MPT South), isa sa mga subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang infrastructure arm ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) at Department of Interior and Local Government – CALABARZON (DILG IV-A) para sa pagsasagawa ng road safety education campaign at tourism promotion activities para sa rehiyon.
Sa bisa ng MOU, magtutulungan ang DILG IV-A at MPT South sa pagbibigay ng dagdag na kaalaman patungkol sa local governance at social development- sa pamamagitan ng Local Governance Resource Center (LGRC) facility- isang dynamic, interactive at virtual program na nagsisilbing sentro ng kaalaman sa pagbabahagi sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ng iba’t ibang impormasyon na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga kapasidad sa pagpapatakbo ng kani-kanilang mga bayan at siyudad.
Kasangga ang DILG IV-A, inaaasahan ng MPT South na mas mapapaigting nito ang pagsasakatuparan ng iba’t ibang social advocacy projects nito gaya ng ‘Drayberks’ at ‘Bayani Ka’ na parehong road safety programs na naghihikayat at nagtuturo sa iba’t ibang motorista at komunidad ng mga alituntunin sa expressway at mga pamamaraan upang maturing na road safety advocates.
Layun ng “Drayberks” road safety seminar, isa sa mga social advocacy programs ng MPT South na hango mula sa salitang “Drayber” at “Barkada”, na maiwasan ang pagkakaroon ng mga road accidents sa mga mga toll roads ng MPT South: Manila-Cavite Expressway (CAVITEX); CAVITEX C5 Link; at Cavite-Laguna Expressway (CALAX). Habang ang Bayani Ka naman, na ang ibig sabihin ay Bayani ng Kalsada, ay nagnanais na magbigay ng karagdagang kaalaman hinggil sa batas na Limited Access Facility Act (R.A. 2000).
Kasama rin sa mga nakalatag na proyekto ng MPT South kasama ang DILG IV-A ang pagsusulong ng turismo sa CALABARZON sa pamamgitan ng paggawa ng mga multimedia materials upang maibida ang iba’t ibang mga pagkain, lokasyon at tanawin sa rehiyon gamit ang Biyaheng South social media accounts at iba pang programa ng DILG IV-A.
Nagsilbing kinatawan ng MPT South sa virtual signing ang Spokesperson at Assistant Vice President for Communications and Stakeholder Management nito na si Bb. Arlette V. Capistrano habang si Regional Director, Ariel O. Iglesia, CESO IV naman para sa DILG Region IV-A.
“Ikinagagalak ng MPT South ang aming pakikiisa sa DILG Region IV-A para sa aming mga social development projects para sa pagpapalawig ng aming pagbibigay ng kaalaman ukol sa road safety at mga kaakibat nitong mga batas. Gayundin, katuwang ang DILG Region IV-A, kami ay lalong mas makakatulong sa muling pagpapaangat ng ekonomiya ng rehiyon, sa pamamagitan ng pagsulong sa turismo nito,” ani MPT South Spokesperson at Assistant Vice President for Communications and Stakeholder Management, Arlette V. Capistrano.
“The Department through the Local Governance Resource Center has always banked on partnerships with agencies and organizations to deliver our mandate of guiding and empowering LGUs in effective program implementation and local governance. We are thankful for MPT South’s interest in collaborating with us on social development projects and we are looking forward to empowering our LGUs together.”, ani DILG IVA Regional Director Ariel O. Iglesia.
Bukod sa CAVITEX, CAVITEX C5 Link, at CALAX, hawak din ng MPTC ang concessions para sa North Luzon Expressway (NLEX), NLEX Connector Road, Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEX), at Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu.