Default Thumbnail

2 lalaki dinampot sa pagbenta ng armas sa Caloocan City

October 23, 2022 Edd Reyes 265 views

DINAKIP ng pulisya ang lalaking sangkot umano sa pagbebenta ng armas, pati na ang kanyang kasama na nagtangka pa siyang itakas sa nangyaring buy-bust operation sa Caloocan City.

Hindi binanggit sa ulat ng pulisya kung saan nadakip ng mga tauhan ni Caloocan Acting Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta sina Manuel Ibot at Romillo Garbin, kapuwa 28-taong gulang matapos umanong isagawa ang operasyon dakong alas-3 ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, tinanggap umano ni Ibot ang markadong salapi na kinabibilangan ng dalawang pirasong tunay na tig-P500 na may kasamang 15 piraso ng boodle money sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang kalibre .45 pistola na may magazine na naglalaman ng pitong bala kaya’t dinakip na siya ng mga tauhan ng Intelligence Section sa pangunguna ni P/Maj. John David Chua.

Habang pinoposasan, biglang hinablot umano ni Garpin si Ibot at tinangkang isama sa pagtakas subalit kaagad din silang napagsalikupan ng mga naka-abang na operatiba ng Mobile Force Company ng Regional Mobile Force Battalion (MFC-RMFB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nakuha ng mga pulis kay Garpin ang 10-piraso pa ng bala ng kalibre .45 na nakalagay sa isang pouch bag at isang 10-pulgadang patalim habang ang markadong salapi ay nabawi naman kay Ibot.

Ang dalawa ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition habang karagdagang kasong paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon at obstruction of apprehension of criminal offenders naman ang karagdagang kasong isasampa laban kay Garpin sa piskalya ng Caloocan.

AUTHOR PROFILE