2 holdaper patay sa QC shootout

February 7, 2022 Melnie Ragasa-limena 144 views

DEAD on the spot ang dalawa sa apat na nangholdap ng gasolinahan nang manlaban sa mga nagrespondeng awtoridad sa Novaliches, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Inilarawan ang mga napatay na suspek na nakasuot ng black combination pink color na t-shirt, maong pants at red helmet, habang ang kasama naman niya ay nakasuot ng red jacket, black pants at may bonnet sa magkabilang kamay at armado ng baril.

Ang mga biktima ng insidente ay nakilalang sina Ramon Philip Velasco, 36, may asawa, cashier ng Uno Fuel Gas Station, at ang kaniyang pump attendant na si Paula Joy Ducat, 22, dalaga at residente ng Brgy., 170, Caloocan City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:10 ng madaling araw, Pebrero 7, nang maganap ang engkwentro sa kanto ng Dona Rosario at Dona Isaura Sts., Novaliches Proper, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Christian Loyola ng CIDU, bandang 11:30 ng gabi abala umano ang mga biktima sa kanilang mga gawain sa UNO Gasoline Station sa Old Sauyo Road corner Ocean Park Subd Brgy. Sauyo, Novaliches, nang dumating ang apat na kalalakihan na sakay ng dalawang mtorsiklo.

Agad na tinutukan ng baril ang mga biktima at nagdeklara ng holdap saka mabilis na nilimas ang P8,718.00 cash na kita ng gasolinahan, isang cellphone, at dalawang coin purse.

Nang makaalis ang mga suspek ay agad na tumawag sa Novaliches Police Station PS 4 ang mga biktima na agad namang nagresponde at naispatan ng mga awtoridad ang mga sinasabing holdaper sa kanto ng Dona Rosario at Dona Isaura Sts., Novaliches Proper, Novaliches.

Nang parahin ng mga awtoridad ay agad na nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek dahilan upang gumanti na rin nang pamamaril ang mga pulis at nasapol ang dalawang holdaper habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang mga kasamahan.

Positibo namang kinilala ng mga biktima ang mga napatay na suspek na siyang nangholdap sa kanilang gasolinahan.

Nasamsam sa crime scene ang 2 pistols, 7 basyo ng bala, 2 cartridge, 1 motorsiklo na at 2 plastic sachets ng shabu.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad habang tinutugis pa ang dalawa pang nakatakas na holdaper.