Lino Cayetano nananatiling alkalde

February 7, 2022 People's Tonight 154 views

IBINASURA kamakailan ng 2nd Division ng Commission of Elections (COMELEC) ang protesta sa pagkapanalo ni Mayor Lino Cayetano bilang alkalde ng Lungsod Taguig sa eleksiyon noong 2019.

Sa naturang halalan, tinambakan ni Cayetano ang kalaban matapos mabilang sa kanyang pabor ang 172,710 na boto samantalang 109,313 lamang ang nakuhang boto ng katunggali. Dapatwa’t ang kalamangan ay 63,357 na boto, ay naghain pa rin ng protesta ang kabilang panig.

Sa Order na ipinalabas ng COMELEC noong 31 Enero 2022, walang nakitang patunay ng mga iregularidad kagaya ng pamimili ng boto, pagshade ng mga poll watchers ng mga balota, pamamahagi ng sample ballots, at malfunction ng VCMs ( vote counting machines) na siyang nagbigay di-umano ng panalo kay Mayor Cayetano.

Nakita sa mismong mga binuksan at manwal na siniyasat na mga balota na walang iregularidad sa botohan. Bagkus, naitaguyod ng mga nirepasong balota ang malinaw na pagpili ng mayorya ng mga botante kay Mayor Cayetano.

Sa 252-pahinang Order, isinaad ng COMELEC ang pagbusisi ng walong (8) Revision Committees sa mga balota sa 93 pilot protested precincts na katumbas ng 20% ng 467 protested precincts. Sa naunang pagbilang ng VCMs sa naturang 93 precincts, may 33,557 na balota ang pabor kay Cayetano samantalang may 25,463 ang inilista sa katunggali.

Alinsunod sa patakaran ng COMELEC, kailangang magpakita ng substantial recovery ang naghain ng reklamo upang maipagpatuloy ang kanyang protesta sa mga naiwang contested precincts.Sa pagrebisa ng mga balota sa pilot contested precincts, kailangang umabot man lang sa 20% ng pangkalahatang lamang ng nanalong kandidato ang makuhang dagdag na boto ng natalo. Sapagkat 63,357 boto ang lamang ni Cayetano, nangailangan si complainant ng karagdagang 12,680 na boto upang umarangkada ang kanyang protesta.

Umabot lamang sa 82 dagdag na boto ang nailista sa katunggali ni Cayetano, subalit nabawasan din siya ng 11 boto kung kaya’t ang dating 25,463 na boto sa kanya ay naging 25,534 (o dagdag na 71 lamang). Si Cayetano naman ay nadagdagan ng 70 na boto kontra sa 15 na nabawas, kung kaya’t lumaki rin ang kanyang dating boto na 33,557 at naging 33,612 (o dagdag na 55 boto).

Kapos na kapos ang karagdagang 16 na boto ng katunggali sa kinakailangang 12,680 na boto. Dahil katiting na tsansa na malampasan ang kalamangan ni Cayetano, walang makitang dahilan ang COMELEC para palawigin pa ang bilang ng mga presintong irerebisa ang mga balota. Pagsasayang lamang ng oras na ipagpatuloy pa ang protesta ni Cerafica. Kung kaya’t ibinasura ito ng COMELEC.

AUTHOR PROFILE