Fixer FIXING TIME–Ang suspek ng timbugin ng mga operatiba ng Land Transportation Office, Department of Interior and Local Government-Special Action Group at Central Police District Office.

2 ‘fixers’ tiklo sa LTO, DILG, QCPD

April 2, 2024 Jun I. Legaspi 102 views

NAARESTO noong Lunes ng magkasanib na tauhan ng Land Transportation Office (LTO), Quezon City Police District (QCPD) at Special Action Group ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dalawang pinaghihinalaang fixers sa entrapment malapit sa central office ng ahensya sa Quezon City.

Pinuri ni LTO chief Vigor Mendoza II ang operasyon at sinabing patunay ito na nananatiling agresibo ang mga operasyon laban sa mga fixer alinsunod sa tagubilin ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista.

Arestado ang magkapatid na sina Teresita dela Cruz, 58; at Kathleen Joy dela Cruz, kapwa residente ng Tondo, Manila.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang 26-anyos na lalaki na nagsabing hindi tumupad ang dalawa sa pangako sa kanya na mapapabilis ang processing ng kanyang non-professional driver’s license matapos magbayad ng P6,800 noong March 8.

Sinabi ng complainant na napilitan siyang humingi ng tulong sa pulisya matapos muling humingi ng karagdagang P1,350 ang magkapatid na dela Cruz.

Agad na na-map out ang isang entrapment na pinagplanuhan ng mga tauhan ng LTO Intelligence and Investigation Division, sa pangunguna ni director Renante Militante, ang mga tauhan ng QCPD Station 10 sa pamumuno ni Police Lt. Col. Rolan Kingat, at ng DILG Special Action Group.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-2:00 ng hapon sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Sa imbestigasyon, sinabi ng biktima na kumbinsido siya na harapin ang mga suspek matapos nilang sabihing malakas ang kanilang koneksyon sa loob ng LTO Central Office.

Nagbabala si Assec Mendoza sa publiko laban sa mga fixer na kinabibilangan ng mga scammer online.

AUTHOR PROFILE