Default Thumbnail

145 estudyante hinimatay sa init

April 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 383 views

AABOT sa 145 estudiyante ang hinimatay at nahilo dahil sa labis na init na pinalala pa ng kawalan ng kuryente sa Occidental Mindoro.

Batay sa record ng Department of Education, (DepEd) pito sa mga estudyante, na pawang mga taga San Jose National High School, ang nahirapang huminga na nauwi sa kanilang pagkahimatay.

Dalawa sa mga ito ang dinala sa ospital, pero kalaunan naman ay pinauwi.

Sampu sa mga bata ang nakaramdam ng pagkahilo, habang ang natitirang bilang naman ay sumakit ang ulo.

Ayon kay assistant schools division superintendent Rodel Magnaye, pinapayuhan na nila ang mga magulang na pagbaunin na ang kanilang mga anak.

Upang makaiwas sa disgrasya, nagkaroon na ng drinking facility sa mga classroom.

Nagdagdag na rin ng mga electric fan sa mga silid-aralan.

Gayunman, tila hindi ito sasapat lalo na para sa mga classroom nilang may tig-60 na estudyante.

“Nirerekomenda namin na i-limit sa mga paaralan especially during the times na 10 a.m. hanggang 3 p.m. kung kalian mataas ang temperature sa mga paaralan. So meron pong mga outdoor activities sa sikat ng araw, pinagbabawal namin. Pero yung klase po, pwede nilang gawin sa mga open spaces, sa mga ilalim ng puno, nirerekomenda po namin ‘yan,” Pahayag ni Magnaye.

Inirerekomenda rin na i-adjust ang pasok ng klase na hanggang 10:30 ng umaga habang ang ikalawang shifting ay simula 3:30 ng hapon hanggang may liwanang pa.