Default Thumbnail

13-anyos dedo sa saksak ng kaklase dahil sa P50

January 22, 2023 Melnie Ragasa-limena 230 views

INILAHAD ng pulisya na nag-ugat umano sa P50 ang ginawang pananaksak sa 13-anyos na lalaki ng kaniyang kaklaseng 15-anyos, kapwa Grade 7 , sa loob ng kanilang paaralan sa Quezon City.

Lumalabas sa imbestigasyon, ng Quezon City Police Station 14, sinasabing kinuha umano ng biktima ang P50 ng babaeng kaibigan ng suspek.

“Binigyan umano ng pera ang kaibigan na babae para may panggastos dahil magkakaibigan nga. Kaya lang, kinuha ng biktima kaya umabot sa ganun,” pahayag ni Police Capt. Anthony Dacquel, chief investigator ng QCPD Station 14 sa isang panayam sa telebisyon.

“‘Yong sumbong ng kaibigan nitong suspek natin, na diumano ay kinuhanan siya ng pera ng biktima na hindi binalik sa kaniya. Parating dito sa suspek natin, nagsabi siya na siya ang bahala, gaganti. Kaya nitong umaga, nang magpasukan sa eskwela, inabangan niya doon sa classroom,” kwento pa niya.

Bandang 5:30 ng umaga (January 20), ay nasa Room 301 ang biktima habang hinihintay ang pagsisimula ng kanilang klase samantalang nasa labas naman ang suspek at hinahanap umano ito.

Dahil dito ay tinawag ng kaniyang isa pang kaklase ang biktima sa labas at nang makita siya ng suspek na armado na noon ng kutsilyo ay agad itong ilang ulit na inundayan ng saksak sa katawan na nagresulta ng kaniyang kamatayan.

Tumakas ang binatilyo matapos ang pananaksak pero kinalaunan ay naaresto din ito sa kaniyang tahanan.

Nabatid naman sa principal ng paaralan na si Louie Pebres, bibigyan ng pagkakataon ang suspek na ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng alternative learning mode.

Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) – National Capital Region (NCR) sa pamilya ng biktima at nangakong bibigyan sila ng tulong kasabay nang pagtiyak na makikipagtulungan ito sa lahat ng bumubuo ng mga paaralan para masigurong ligtas ang mga mag-aaral.