Default Thumbnail

5 tiklo sa P5.5M smuggled na sigarilyo sa Zambo City

January 21, 2023 Zaida I. Delos Reyes 268 views

ARESTADO ang limang lalaki matapos na makumpiskahan ng P5.5 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo nitong Sabado ng umaga sa Zamboanga City.

Naaresto ang skipper ng bangkang de motor at apat na crew nito na pawang mga residente ng Barangay Arena Blanco.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga suspek ay lulan ng motorboat nang maaresto dakong 6:32 ng umaga (Enero 21) malapit sa Bgy. Tigtabon.

Ayon sa ulat, namataan ng mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (2nd ZCMFC) at Bureau of Customs (BOC) ang motorboat na may markang “Aljadi” na binabagtas ang katubigan sa naturang lugar.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na ang naturang bangka ay naglalaman ng mga smuggled na sigarilyo.

Ayon pa sa impormasyon isang shipment ng smuggled na sigarilyo mula sa Jolo ang paparating sa probinsya ng Sulu kung kaya’t agad silang naghanda para sa operasyon.

Ayon kag Zamboanga City Police Office Director Col. Alexander Lorenzo, ang motorboat ay naglalaman ng 258 master cases ng iba’t-ibang brand ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P5.53 milyon.

Bigo ang limang suspek na magpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang kanilang mga dalang sigarilyo.

Sa kasalukuyan, ang mga suspek ay inilagay sa kustodiya ng 2nd ZCMFC para sa dokumentasyon bago ilipat sa BOC para sa karampatang disposisyon.