Default Thumbnail

Baril, shabu, nakuha sa lalaki sa Taguig City

January 21, 2023 Edd Reyes 315 views

NAKUMPISA ng pulisya ang hindi lisensiyadong baril at shabu sa 56-anyos na lalaki matapos ang ginawang paghahalughog ng mga awtoridad sa loob ng kanyang bahay Biyernes ng gabi sa Taguig City.

Sa bisa ng inilabas na search warrant ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Judge Byron G. San Pedro ng Family Court Branch 15, hinalughog ng mga tauhan ng Ususan Police Sub-Station 4 ng Taguig City Police, kasama ang ilang opisyal ng barangay bilang testigo, ang bahay ng suspek sa Barangay Ususan dakong alas-8:30 ng gabi.

Sinaksihan din ng miyembro ng pamilya ng suspek ang ginawang paghahalughog ng kapulisan sa bahay upang matiyak na walang mangyayaring pagtatanim ng ebidensiya o anumang kontrabando na kanilang makukumpiska.

Inihirit ng pulisya sa hukuman ang paglalabas ng search warrant matapos magpositibo ang ginawa nilang paniniktik at pag-monitor sa suspek kaugnay sa pagkakasangkot niya sa ilegal na droga at pag-iingat ng armas.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, kabilang sa mga nakumpiska ng pulisya sa suspek ang isang kalibre Colt .45 na pistola, anim na bala ng kalibre .45, isang magazine, isang itim na holster, at isang plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 14.0 gramo na may katumbas na halagang P95,200.

Binigyang papuri naman ni Kraft ang mga tauhan ng Taguig City Police sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Robert Baesa sa positibong resulta ng kanilang pagmamanman na naging daan upang maglabas ng search warrant ang hukuman.

Kasong paglabag sa Sec. 28 Art. V ng RA (Republic ACt) 10591 (Illegal Possession of Firearms) at paglabag sa Section 11 ng RA.9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE