Posas

Lasing nag-saksak spree, 1 patay

May 7, 2024 Edd Reyes 62 views

NADAKIP ng pulisya ang lalaking walang habas na nanaksak sa harap ng isang resto bar na ikinasawi ng isa at malubhang ikinasugat ng dalawa pa Martes ng umaga sa Navota City

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas Edsel, nasa hustong gulang at residente ng Blk 33, Lot 9, Area 2 Brgy. NBBS Dagat-dagatan na nadakip sa ginawang follow-up operation nina P/Capt. Archie Arceo, Commander ng Police Sub-Station 3, malapit sa kanyang tirahan.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang mga biktimang sina Jann Benjamin Gunabe III, 28, Darwin Benosa, 21, at Lean Oswald Pesigan, 21, sa Hangout Resto Bar sa Brgy. NBBN nang magsimulang magpamalas ng karahasan ang suspek na umiinom naman sa kabilang mesa.

Nang pauwi na ang mga biktima dakong alas-6:45 ng umaga, hindi sinasadyang nasagi ni Gunabe ang suspek na pasuray-suray na ring palabas ng bar dahil sa kalasingan na dahilan upang magkaroon sila ng pagtatalo.

Umawat naman sina Benosa at Pesigan subalit biglang bumunot ng patalim ang suspek at walang habas na pinagsasaksak ang tatlo bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Isinugod ang mga biktima sa Tondo Medical Center subalit idineklarang patay na si Gunabe habang sugatan naman at ginagamot pa ang dalawa niyang kasama.

Kaagad na iniutos ni Col. Cortes ang pagtugis sa suspek na patakas na sana nang maaresto nina Capt. Arceo.

Sasampahan ng kasong pagpatay at dalawang bilang na bigong pagpatay ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE