Default Thumbnail

1 sundalo patay, 3 sugatan sa landmine sa Albay

February 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 289 views

PATAY ang isang sundalo habang sugatan naman ang tatlo pang kasamahan nito makaraang masabugan ng landmine na itinanim diumano ng New People’s Army (NPA) sa Oas, Albay.

Nakilala ang nasawing sundalo na si 2Lt. Nico Malcampo, habang isinugod naman sa pagamutan ang tatlo pang sundalo na nagtamo ng sugat sa katawan.

Ayon kay Capt. German Franco Roldan, Officer-in-Charge ng Public Affairs Office (PAO) ng 9th Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA) ang insidente ay naganap nitong Miyerkules sa Barangay Ramay, Oas, Albay.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang tropa ng 49th Infantry Battalion (IB) kaugnay ng pangingikil umano ng mga rebelde sa mga residente sa lugar kung kaya’t agad silang rumesponde.

Gayunman, habang patungo sa lugar ay nadaanan ng grupo ang landmine na itinanim ng mga rebelde dahilan upang sumabog ito at masawi ang isang sundalo at masugatan ang tatlong iba pa.

Ang pagsabog ay sinundan ng bakbakan na ikinasawi naman ng isang rebelde.

Nakuha din ng tropa ng militar ang tatlong matataas na kalibre ng baril at iba pang kagamitan ng mga rebelde sa pinangyarihan ng bakbakan.

Ipinaabot naman ni Maj. Gen. Adonis Bajao, commander ng 9th ID ang taos-pusong pakikiramay sa naiwang pamilya ng sundalo.

Nagpahayag ang heneral na hindi masasayang ang sakripisyong ginawa ng batang opisyal sa pagtatanggol sa bayan.

“Tayo po ay nakikisimpatiya at nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ni Lt. Malcampo. Ang kanya pong ipinakitang kabayanihan ay hindi matatawaran para lamang ipagtanggol ang ating bayan sa mga mapang-abusong Communist Terrorist Group (CTG),” pahayag ni Bajao.

“Atin naman pong kinokondena ang patuloy na paglabag ng CTG sa International Humanitarian Law at Geneva Convention of 1949 dahil sa pagamit ng mga anti-personnel mine. Sa kabila nito,hindi po tayo papanghinaan ng loob, bagkus lalo po nating paiigtingin ang ating operasyon upang matiyak na ang ating komunidad ay hindi madedehado sa paghahasik ng karahasan ng mga teroristang grupo,” dagdag pa ng heneral.