Default Thumbnail

Masbate niyanig ng magnitude 6 na lindol

February 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 1313 views

NIYUGYOG ng magnitude 6 na lindol ang Batuan, Masbate nitong Huwebes ng umaga na nagresulta kawalan ng kuryente, suspensiyon ng klase, pagkapinsala ng coliseum, at paglikas ng mga pasyente sa isang ospital.

Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), nakapagtala sila ng 81 “aftershocks” ng lindol.

Sa update na inilabas ng OCD dakong 7:00 ng umaga (Pebrero 16), nawalan ng kuryente sa Masbate at Ticao Island at sinuspinde rin ang klase at trabaho sa buong probinsya.

Inilikas din sa ligtas na lugar at mga tents ang mga pasyente mula sa Masbate Provincial Hospital. Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan sa insidente.

Napinsala din ng lindol ang ilang bahagi ng Magallanes Coliseum.

Ayon naman kay San Fernando, Masbate Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Marian Joy Alindogan, isang bahay lamang ang naiulat na partially damaged sa dalawa sa 26 barangay na tinamaan ng lindol.

Aniya, mahina naman ang mga aftershocks kaya nagbalikan ang mga lumikas na residente sa kanilang mga tahanan.

Sinabi naman ni Masbate public information chief Jun Bagalihog na ang ilang pampublikong daan at national roads sa Butuan ay nagtamo ng cracks habang ilang kalsada rin ang ipinasara.

“In our provincial health office, ‘yung four-storey building ng provincial health office, nagkaroon ng cracks ang mga dingding,” pahayag ng opisyal.

Kaugnay nito, nagbabala ang OCD sa publiko na palagiang sanayin ang “duck, cover and hold” na protocol sa tuwing magkakaroon ng lindol upang maiwasan ang bilang ng casualties.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang magnitude 6.0 na lindol ay naganap dakong 2:10 a.m. sa southwest ng Batuan.

Ang lindol ay may tectonic na origin at may lalim na sampung kilometro.