Default Thumbnail

Yul humingi ng suporta sa reso

March 30, 2023 Edd Reyes 180 views

HINILING ni Manila Vice Mayor at presiding officer ng Sanggunilang Panlungsod (SP) Yul Servo Nieto sa mga miyembro ng Konseho na suportahan ang kanyang inihaing resolusyon na layuning maging bukas sa mata ng publiko ang kanilang mga gawaing pambatasan.

Tumayo pa ang bise alkalde sa harap ng mga konsehal matapos ang nakakapagod na maghapong pagtatrabaho noong Marso 28, 2023, at tuluyang maipasa ng 12th City Council ng Lungsod ng Maynila ang 30 resolusyon sa loob lamang ng isang sesyon na maituturing na pinaka-produktibong sesyon sa kasalukuyan at upang humiling ng suporta sa inihain niyang resolusyon.

Sa ilalim ng inihaing resolusyon ng bise alkalde, bibigyan ng kapangyarihan ang mga miyembro ng SP na bumuo ang isang “technical working group” na magkakaloob ng suportang teknikal at administratibo sa Committee on Information Technology upang maging “digitalize” ang mga ordinansa, resolution, at iba pang rekord na pambatasan ng Konseho ng Lungsod ng Maynila.

“Whereas, digitalization is, moreover, in keeping with the intent and spirit of the 1987 Constitution, which makes it a policy of the State to make a full public disclosure of all transactions involving public interest (Section 28, Article II), and guarantees the people’s right to information on matters of public concern, subject to reasonable conditions prescribed by law (Section 7, Article III),” nakasaad sa resolusyon ng bise alkalde.

Sinabi ng bise alkalde na ang “digitalization” ng lahat ng rekord ng may kaugnayan sa paglikha ng ordinansa at resolusyon mula pa sa kauna-unahang Municipal Boards hanggang sa 12th City Counci ay makakatulong upang madaling mabasa ng publiko dahil ilalagay na ang mga ito sa website ng Konseho.

“Ang website po ng 12th City Council ay maglalaman ng mga resolusyon at ordinansa na naipasa mula pa ng mga Municipal Board hanggang sa kasalukuyang Konseho kasama ang profile ng bawat miyembro ng konseho na ito. Sa pamamagitan po nito, hindi lang mas mapapadali ang maghanap ng mga ordinansa at resolution, kundi makikita rin ng mga kapwa nating mga Manilenyo kung ano ang ginagawa natin dito sa Konseho, ” paliwanag ni Nieto.

Nagpahayag naman ng paniniwala ang mga miyembro ng SP na sumuporta sa inihaing resolusyon ng bise alkalde na may mabuting ibubunga ang proyekto sa pagsasabing magiging madali na sa publiko na malaman ang mga umiiral na ordinansa, resolusyon at iba pang rekord na pambatasan ng Konseho.

Kabilang sa nagkaisang sumuporta sa resolusyon sina Councilors Jaybee Hizon, DJ Bagatsing, Ricky Boy Isip, Mon Yupangco, Apple Nieto, Irma Alfonso, Niño De La Cruz, Pamela Fuguso, at Tol Zarcal.

Bukod sa inihayag na pasasalamat sa mga miyembro ng 12th City Council na sumuporta sa kanyang resolusyon, hinimok din ni Vice Mayor Nieto ang mga konsehal na maging co-author niya sa resolusyon.

AUTHOR PROFILE