Default Thumbnail

IT expert nagpanggap na pulis, kalaboso

March 30, 2023 Edd Reyes 202 views

ARESTADO ang 23-anyos na lalaki matapos mabisto ang ginawang pagpapanggap bilang pulis para lamang makuha ang naka-impound na motorsiklo, Miyerkules ng hapon sa Parañaque City.

Nagduda kaagad si Reynaldo Murillo, 55, hepe ng Parañaque Traffic and Parking Management Office (TPMO) nang magbigay ng mga nakakalitong impormasyon ang suspek, na isang Information Technology (IT) expert, kaya’t humingi siya ng tulong sa mga tauhan ng Parañaque Police Sub-Station 5.

Batay sa ulat na tinanggap ni Southern Police Distrit (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft kay Parañaque police chief P/Col. Renato Ocampo, dakong ala-1:22 ng hapon nang magtungo sa tanggapan ni Murillo ang suspek at hiniling na makuha niya ang naka-impound na motorsiklong nasangkot sa kasong paglabag sa batas trapiko.

Nang dumating ang mga tauhan ni Ocampo, dito na biglang kumambiyo ng pananalita ang suspek at sinabing hindi siya pulis kundi isa siyang “confidential agent” umano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nang walang mailabas na katibayan sa kanyang pagpapakilala bilang ahente ng CIDG, inaresto na siya ng pulisya at pansamantalang ipiniit sa Custodial Facility ng Parañaque City Police habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Art. 177 ng Revised Penal Code o ang Usurpation of Authority or Official Functions sa piskalya ng Parañaque.

AUTHOR PROFILE