Willie

Willie, tutulong magtayo ng Villar network

February 12, 2022 Vinia Vivar 494 views

Naging malungkot but memorable ang last episode ng Wowowin last Friday, Feb. 11.

Sa pagsisimula pa lang ng show ay malungkot na ang host na si Willie Revillame knowing na ito na nga ang kanyang huling pag-ere sa GMA-7.

Tulad ng hinihintay ng lahat, nagsalita at nagbigay pa ng detalye si Willie ng pangyayari kung bakit humantong sa pagwawakas ang show na six years and eight months ding napanood sa GMA-7.

Sinimulan muna ni Willie ang kwento sa pagbabalik-tanaw kung paano nagsimula ang Wowowin sa Kapuso network at mahahalata mo talaga sa TV host ang labis na pagmamahal sa show.

Isang mahalagang bagay na nilinaw ni Willie, hindi totoong hindi siya inalok ng bagong kontrata ng GMA-7.

In fact, ipinakita niya ang draft ng bagong kontrata na isang buwan na raw na nasa kanya.

“For the past one month, hirap na hirap po akong magdesisyon, hindi ako nakakatulog, hindi ako nakakakain. ’Eto po ang kontrata ko sa GMA. Matagal na po itong nandito sa akin, hindi ko ho mapirma-pirmahan. Kasi ho, hindi ko pa alam ang desisyon ko sa buhay ko,” aniya.

Nilinaw din niya ang tungkol sa ispekulasyon na lilipat siya sa bagong network na itatayo ni former Senator Manny Villar.

Inamin naman ni Willie na Feb. 2 nang tawagan siya ng secretary ng senador at hinihiling nga na magkausap sila hanggang sa puntahan na nga siya nito sa resthouse niya sa Tagaytay kung saan siya naka-stay.

Inamin din niyang napag-usapan nila ang bagong network, pero wala pa raw plano tungkol dito dahil hindi naman ganu’n kadali magtayo ng network at malaking panahon ang kailangang igugol dito.

“Para malaman n’yo lang ho, wala pang plano. Kasi, pinag-aaralan pa ng kanyang pamilya, pinag-aaralan pa rin ho ng kanyang anak na si Sir Paolo,” aniya.

Itinanggi rin niya ang lumalabas na balita na may kinakausap na silang artista para sa Villar network.

Wala rin daw silang kahit anong deal ni Villar.

“Bakit ho ako hindi pumirma? Una, for delicadeza. Magso-show ako sa GMA habang ako naman po ay nagpaplano sa isang istasyon na kalaban ng GMA. Hindi ho tama ‘yun. Sa sobrang bait ng mga taga-GMA, sa sobrang bait ng ipinakita nila sa akin, hindi ko ho magagawa ‘yun na tatraydurin sila,” he said.

Nagpaalam daw siya nang maayos sa GMA-7 at nagbigay ng mahabang letter kay Atty. Felipe Gozon (CEO of GMA Network) para magpaliwanag at magpasalamat.

Binasa ni Willie ang sulat niya kay FLG at bahagi nito ay ganito ang nakasaad: “FLG, nandito po ako ngayon sa sitwasyon ng buhay ko na may magandang opportunity na darating. Na magiging parte po ako ng isang kumpanya na nandiyan po ako at ’andiyan po ang aking kaalaman, which is TV broadcasting and entertainment.

“Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo kaya po ako sumulat at ipaalam sa inyo ang akin pong pinagdadaanan. FLG, sana po maintindihan n’yo na hindi po habambuhay ay ako ay haharap sa telebisyon bilang isang TV host. At ito pong pagkakataon na ito na dumating sa aking buhay ay isang pangarap.”

Ipinahayag din ni Willie ang kanyang taus-pusong pasasalamat kay FLG at sa buong network.

“I don’t want to say goodbye. Dahil sa industriyang ito, there’s always a welcome back,” aniya.

Ipinakita rin niya ang reply letter ni FLG at nakasaad dito na naiintindihan nito ang desisyon niya at binigyan siya ng basbas sa pag-alis at pagsama kay Sen. Villar sa pagtatayo ng network.

Sa pagtatapos ng show ay naging emosyonal si Willie sa pamamaalam at pagpapasalamat.

Binanggit niya ang lahat ng mga nakasama sa GMA at pinasalamatan isa-isa.

Inanunsyo rin ni Willie na tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay niya ng saya at tulong sa taumbayan, tuloy pa rin ang kanyang show na mapapanood muna sa YouTube at Facebook.

Ito ay may titulong Willie Revillame, Tutok Para Manalo.

Pinasalamatan din niya si FLG dahil hindi binawi ang milyun-milyong subscribers niya sa YouTube, Facebook at iba pang digital platforms.

AUTHOR PROFILE