Puregold

Wilbert, gustong mag-focus sa comedy

May 20, 2023 Vinia Vivar 239 views

Malayo na nga ang narating ni Wilbert Ross mula sa pagiging former member ng grupong Hashtags.

As we all know ay nagsimulang makilala ang Hashtags nang maging regular sila sa It’s Showtime noong 2015.

Ngayon ay buwag na ang grupo ay may kanya-kanya nang solo career ang iba habang ang iba naman ay hindi na aktibo sa showbiz.

Isa si Wilbert sa mga sinuwerteng makagawa ng successful solo career sa industriya.

Ngayon nga ay leading man na siya at halos hindi nababakante sa paggawa ng proyekto.

Ang latest project niya ay ang YouTube series na Ang Lalaki sa Likod ng Profile na nagkaroon ng grand mediacon last Thursday sa World Trade Center.

Dahil romance-comedy ang Ang Lalaki sa Likod ng Profile, malaki ang pasasalamat ni Wilbert kay Vice Ganda at sa buong It’s Showtime family dahil sa mga naituro sa kanya sa pagku-comedy.

“Sina Vice at ang iba pang It’s Showtime hosts ay may malaking impluwensya kung bakit ako naging komedyante ngayon, lalo na si Kuya Vhong Navarro na nagsabi sa akin na ‘you build your own na tatatak na ikaw lang, your own personality sa showbiz na ikaw lang ang meron, kung gusto mo mag-succeed,’” sey ni Wilbert sa interview ng entertainment press.

Natanong nga ang aktor kung titigil na ba siya sa paggawa ng sexy movies sa Vivamax, aniya sa ngayon  ay magpo-focus na muna siya sa rom-com o full comedy.

“Kung meron man chance man sa iba, okay lang din po sa akin. Pero nakadepende rin sa Viva mismo kung papayagan nila ako. Pero for now po, I want to build my name muna sa comedy industry. Lalo ngayon, parang feel ko lang, hindi ko alam kung tama ako, pero parang konti lang sa mga next generation ang nagku-comedy,” ani Wilbert.

Thirteen episodes ang Ang Lalaki sa Likod ng Profile at nasa episode 5 na ang umeere ngayon. Puring-puri ng mga netizen ang chemistry nila ng leading lady na si Yukii Takahasi.

Sa presscon ay panay din ang tukso sa kanilang dalawa ng mga cast member, lalo na nga ang veteran comedienne na si Marissa Sanchez.

Kaya ang tanong nga sa kanila ay kung may ligawan o romansa na bang nagaganap sa kanila in real life.

Pero ayon kay Wilbert, close friends lang sila ni Yukii at naging magkaibigan daw sila habang ginagawa ang serye.

“Magkasundo kami, maayos kami sa set,” sey pa niya.

Produced by filmmaker Chris Cahilig and directed by Victor Villanueva, napapanood ang Ang Lalaki sa Likod ng Profile sa Puregold YouTube Channel.

Kasama rin sa series sina Kat Galang, Migs Almendras, Star Orjaliza, Moi Marcampo, TJ Valderrama at Anjo Resurreccion.

AUTHOR PROFILE