Default Thumbnail

Walang ‘service fatigue!’

April 10, 2021 Marlon Purification 409 views

MAHIGIT isang taon na ang pakikipaglaban natin sa krisis dulot ng COVID-19 na talaga namang wala ni isa man sa atin ang nakapaghanda para rito.

Noong nakaraang taon, buhos pa ang nakikitang nagbibigay tulong sa ating mga kababayang higit na nahihirapan.

Ngayon ay nakalulungkot na tila nababawasan na ang nakikita nating nagbibigay serbisyo at tulong para sa ating kapwa.

Nauunawaan natin na hindi lahat ay ‘unlimited’ ang ‘resources’ para sustentuhan ang pagtulong sa kapwa. Kaya ‘nga kung bumaba man ang bilang ng grupo, sikat na personalidad, indibiduwal o pamilyang nagbibigay-tulong ngayon, hindi na rin natin sila masisisi dahil hanggang doon na lang marahil ang kanilang nakakayang ibigay na ayuda.

Ayaw kong isipin na mayroon na rin silang ‘service fatigue’ ngayon o iyong tinatawag na kasawaan o pagkapagod sa pagbibigay tulong sa kapwa.

Mas gusto kong tanggapin na baka bumubuwelo pa ang ilan para mag-ipon at mangalap ng iba pang ipamamahagi na ayuda.

Ngunit sa kabila nito, may ilang grupo at institusyon pa rin ang walang humpay sa pagbibigay ng ayuda sa ngayon.

Kahit mahigit isang taon na ang pakikidigma natin sa pandemya, ‘consistent’ at walang humpay pa rin ang ipinaaabot na tulong ng Filipino-Indian Commerce and Welfare Society Inc (FICWSI) sa pangunguna ng kanilang presidente na si James Kumar.

Kabi-kabila pa rin ang ipinararating nitong tulong at aktibidad.

Katunayan, kamakailan ay nagbigay sila ng hospital bed sa PNP General Hospital na nasa loob ng Camp Crame.

Ipinagpapatuloy nina Kumar ang kanilang outreach program sa ilalim ng ‘filindihelpline’ na may slogan na ‘Together for a cause-Together We help’.

Kabilang sa mga programang ito ang ‘Helplline for the Frontline’ kung saan nagbibigay ang FICWSI ng personal protective equipment at iba pang kagamitan na magagamit ng ating kapulisas.

Tuluy-tuloy din ang ‘Helpline for the Hungry’ at ‘Helpline Kitchen’ ng grupo ni Kumar na namamahagi ng relief packs sa iba’t ibang komunidad.

Wala ring patid ang kanilang ‘Helpline for Online Schooling’ kung saan namamahagi sila ng gadgets at laptops sa mga indigent students at ang adoption ng orphanage na pinagkakalooban nila ng complete package ng computers, internet connection, technical homeschooling assistance at support.

Kasama rin sa kanilang programa ang ‘Helpline on Wheels’ para naman sa pamamahagi ng bisikleta sa mga frontline workers at wheelchair sa mga nangangailangan.

Serbisyong handog ng SM Pulilan

Bukod sa FICWSI, nakatutuwang malaman ang tuluy-tuloy na serbisyong handog ng SM Center partikular sa Pulilan, Bulacan.

Ginamit ng lokal na pamahalaan ng Pulilan, Bulacan ang SM Center bilang official vaccination sites.

Sa paunang vaccination, nasa 200 individuals mula sa A1 hanggang A2 priority group na binubuo ng health workers, frontliners, at ilang senior citizens ang nabigyan ng bakuna.

Nagsilbing holding area para sa medical at physical assessment, triage, at inoculation ang activity centers at hallways ng mall.

Bilang isa sa apat na lalawigang inilagay sa ilalim ng extended Enhanced Community Quarantine dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19, patuloy naman ang paghihikayat ng lokal na pamahalaan ng Pulilan sa kanilang mga residente na magparehistro sa momcares.pulilan.gov.ph at magpabakuna.

Sa pakikipagtulungan sa SM Center Pulilan, umaasa ang lokal na pamahalan na mas magiging convenient, safe, at accessible ang venue para sa pagbabakuna.

Target ng munisipyo na mabakunahan ang kanilang 40,000 town population makaraan silang makakuha ng 80,000 AstraZeneca vaccine doses.

Sa patuloy nating pagsabak sa COVID-19 pandemic, nagdarasal tayo na hindi makaramdam ng pagod at pagkasawa ang mga organisasyong tulad ng FICWSI at SM Center na tumulong at magserbisyo sa ating mga kababayan.

Thank you Sir James Kumar and salamat din sa management ng SM, partikular na ang masisipag na staff nito sa Bulacan province.