BBM

PBBM: WALANG DESTAB

May 10, 2024 Chona Yu 114 views

WALANG destabilisasyon ang mga aktibong pulis laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa ambush interview sa General Santos City, sinabi ni Pangulong Marcos na wala siyang natatanggap na ulat na may nag-aalburotong mga pulis.

Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na maaaring ang mga retiradong pulis ang kumikilos ngayon.

“I don’t see — wala kaming report na in the ranks. Iyong mga retired baka mayroon, mayroong mga gumagalaw, sumasama sa mga destab na ginagawa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Pero sa ating mga kapulisan at siyempre lalo na sa officer corps, wala naman tayong nakikitang ganoon na namumulitika ang mga pulis,” dagdag ng Pangulo.

Wala ring nakikitang rason si Pangulong Marcos para magsagawa ng loyalty check sa mga pulis.

“So, ang loyalty check, hindi ko alam kung ano ‘yung loyalty check, katotohanan. Anong sasabihin mo doon sa tao? Sasabihin, ‘loyal ka ba sa akin?’ Siyempre, oo ang sagot no’n ‘di ba, kahit na hindi siya loyal sa’yo. Pero titingnan natin mga record,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pakiusap ni Pangulong Marcos sa mga pulis, manatiling professional sa kanilang tungkulin.

“Ang ano ko naman, kahit hindi mo ako binoto okay lang sa akin basta’t maging professional ka, gawin mo ‘yung trabaho mo ng tama. Iyon lang naman ang hinihiling ko sa lahat ng pulis, sa lahat ng armed forces,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Una nang sinabi ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na may ikinakasang destabilisasyon diumano ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at patatalsikin umano sa puwesto si Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE