BPSF BPSF ZAMBOANGA – Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbubukas ng premier service program ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), umaga ng Biyernes sa Zamboanga City Coliseum sa Zamboanga City. Layunin ng BPSF na ilapit sa mamamayan ang tulong at iba-ibang serbisyo ng gobyerno. Naroon din ang BPSF hosts, sina Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe at City Mayor John Dalipe, at 85 pang mga kongresista, tulad nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Deputy Speaker Yasser Alonto Balindong, at ang mga opisyal ng probinsya. Photo ni VER NOVENO

P580M AYUDA BINUHOS SA ZAMBO BPSF

May 10, 2024 People's Tonight 87 views

AABOT sa 111,000 benepisyaryo ang makikinabang sa hatid na tulong ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Zamboanga City.

BPSF1BPSF ASSISTANCE – Pinamamahagi nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, 1st District Rep. Khymer Adan Olaso at City Mayor John Dalipe ang iba-ibang tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno sa pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Zamboanga City Coliseum sa Zamboanga City umaga ng Biyernes. Tinatayang mabibigyan ng serbisyo publiko ang 111,000 benepisyaryo mula sa probinsya sa dalawang araw na service caravan. Naroon din ang mahigit 85 district at party-list miyembro ng Kamara, tulad nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Deputy Speaker Yasser Alonto Balindong, at ibang opisyal ng pamahalaang lokal. Photo ni VER NOVENO

Nagkakahalaga ng P580 milyon ang cash assistance at iba pang tulong para sa mga benepisyaryo ng dalawang araw na serbisyo fair nitong Biyernes at Sabado.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng BPSF, ang Serbisyo Caravan sa Zamboanga City ang ika-16 sa serye ng pamamahagi ng tulong ng administrasyong Marcos na layuning ilapit sa mamamayan ang tulong ng gobyerno, kung saan matatagpuan ang 417 government services mula sa 47 ahensya, gayundin ang payout ng cash assistance.

“Hatid ng BPSF ang direktang serbisyo mula sa gobyerno patungo sa mga mamamayan. Mismong ang pamahalaan na ang pupunta sa lalawigan ninyo, hindi niyo na kailangang maglakbay at gumastos para pumunta sa mga sentro sa probinsya para makakuha ng serbisyo at ayuda,” ani Speaker Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

“Ito ang pagsasabuhay ng mga hangarin ni Pangulong Marcos Jr. para sa mamamayang Pilipino, ang makakuha ng direktang serbisyo dahil ang pamahalaan ang pupunta sa kanila. This is the very essence of inclusive development and responsive governance,” ayon pa sa lider ng Kamara.

Naging punong abala naman sa BPSF sina Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Mayor John Dalipe na nagsilbing local host ng programa.

Ang programa ay inilunsad sa Zamboanga City Coliseum, kung saan naging kinatawan ni Pangulong Marcos Jr. si Speaker Romualdez na siyang nagsilbing keynote speaker.

Bukod sa Serbisyo Fair, isang Pagkakaisa Concert din ang idaraos sa KCC Grounds kung saan tinatayang 20,000 katao ang maaaring dumalo ng libre bilang bahagi ng pagdiriwang ng pagkakaisa.

Ang BPSF sa Zamboanga City ay dinaluhan ng 85 kongresista, ang pinakamalaking bilang ng mga kinatawan ng Kamara na dumalo sa isang serbisyo fair event.

Ang Zamboanga City rin ang ikalimang lalawigan sa Mindanao na dinayo ng Serbisyo Fair, kasunod ng Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat at Davao de Oro.

Nakatakda ring magtungo ang BPSF sa Tawi-Tawi at Davao del Norte sa mga susunod na linggo — ang kabuuang pitong lugar sa lalawigan ng Mindanao na bibisitahin ng serbisyo caravan.

“Ito rin ang pinakaunang lalawigan sa Region IX na ating napuntahan. At ikinagagalak kong ibalita na pupunta naman tayo sa Tawi-Tawi sa BARMM sa mga susunod na mga araw at doon ilalapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao,” ayon kay Speaker Romualdez.

Bahagi ng P580 milyong tulong sa Zamboanga City ang P273 milyong cash assistance. Ito ay ang city-wide payout sa 67,311 na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakahalaga ng P252 milyon.

Tatanggap din ang mga benepisyaryo mula sa Zamboanga City ng kabuuang 355,000 kilo ng bigas na ipapamahagi ni Speaker Romualdez na tinaguriang “Mr. Rice.”

Kabilang din sa mga gawain ang mga scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED), maging ang tulong pangkabuhayan para sa mga tinukoy na benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa buong lungsod ng Zamboanga.

Kasabay ng isinasagawang BPSF ang paglulunsad din ng Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) Program at ang Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP) Program na kapuwa inisyatiba ni Speaker Romualdez sa ilalim ng AICS program ng DSWD, para sa mga maliliit na negosyante at mag-aaral na nangangailangan ng tulong sa gastusin sa kanilang pag-aaral.

Sa kabuuan ay may 3,000 benepisyaryo ang SIBOL sa Zamboanga City na tumanggap ng tig-P5,000 mula sa AICS Program, at limang kilo ng bigas na ipinamahagi sa gymnasium ng Claret School of Zamboanga City nitong Mayo 10.

Kabuuang 3,000 benepisyaryong mag-aaral naman ng ISIP for the Youth ang makatatanggap ng tig-P2,000 tulong pinansyal kada anim na buwan na mula rin sa DSWD-AICS para makatulong sa kanilang pagbabayad ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan. Bawat isa ay tumanggap din ng limang kilo ng bigas sa isang seremonyang ginanap sa Western Mindanao State University Gymnasium.

Ang mga tinukoy na benepisyaryong mag-aaral ay magiging bahagi rin ng Tulong Dunong Program ng CHED at tatanggap ng scholarship assistance kada semester na nagkakahalaga ng P15,000 at bibigyan ng prayoridad sa Government Internship Program sa kanilang pagtatapos sa pag-aaral.

Pasok din sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga magulang o guardian ng mga scholar na walang hanapbuhay.

AUTHOR PROFILE