Beks

Vice, ‘Di pinahirapan ang Beks Battalion

July 24, 2022 Ian F. Fariñas 405 views

SANDAMAKMAK ang celebrity guests ng comic trio na Beks Battalion sa kanilang kauna-unahang live concert, ang Beks2Beks2Beks, na gaganapin sa New Frontier Theatre sa August 26.

Pinangungunahan ito ng mga sikat na personalidad gaya ni Vice Ganda kasama sina Ate Gay, Zeinab Harake, Jelai Andres, Budakhel, Katrina Velarde, Buboy Villar, Tonton at Divine Tetay.

Sa grand media conference ng Beks2Beks2Beks, sinabi nina Chad Kinis, MC Mua at Lassy na halos lahat ng guests ay mga kaibigan nila. Kaya naman sobrang excited na silang makita ang isang gaya ng YouTuber na si Zeinab na magpasabog sa isang concert.

Bukod kay Zeinab, siyempre, excited din silang makasama si Ate Gay na dati nilang kasamahan bago ito lumipat ng comedy bar.

Sa tantiya ni MC, 2009 pa nila huling naka-jamming si Ate Gay sa entablado.

“Si Ate Gay, siya mismo nagsabi, nabalitaan daw niya na magku-concert kami, so sabi niya, ‘hindi ko papalagpasin, dapat mag-guest ako d’yan.’” tsika ni MC.

Ayon din daw kay Ate Gay, tumatanaw siya ng utang na loob sa Beks Battalion dahil nu’ng kasagsagan ng Covid-19 pandemic, isa ang grupo sa mga hindi nagdamot ng tulong sa kanya.

Samantala, hindi rin nahirapan sina Chad, Lassy at MC na kunin si Vice bilang guest kahit pa sobrang busy ng schedule nito ngayon.

Ani MC, busy si Vice dahil nga ang (It’s) Showtime ay nasa free tv na.

Kaya bago sila nag-US, medyo nagpahapyaw na raw sila sa kanya tungkol sa concert guesting.

“Agad-agad sinabi niya, ‘sige, go ako d’yan. Magsuportahan tayo. Walang problema, wala tayong pag-uusapan.’ Kaya baka siya ang mag-opening. Concert po niya, hahaha!

“So, hindi naman kami nahirapan sa kanya. Tumayming lang kami,” dagdag tsika pa ng Beks Battalion.

Maliban sa performances ng guests, looking forward din ang grupo sa magiging reaksyon ng live audience sa kanilang mga paandar.

Matagal nga kasi silang hindi nakapag-perform nang live kaya nami-miss nila ang tawanan ng mga tao.

“Na-i-excite kami nang bongga,” hirit nila.

Hatid ng Viva Live, ang Beks2Beks2Beks concert ay sa ilalim ng direksyon ni gb Sampedro.

AUTHOR PROFILE