Karla

Karla at Daniel, nananatiling Kapamilya

July 24, 2022 Vinia Vivar 301 views

Nilinaw ni Karla Estrada ang tsikang kumakalat na lilipat na siya sa AMBS Network ni dating Senador Manny Villar at magsasama sila ni Toni Gonzaga sa isang show.

Pabiro niyang sey sa grand mediacon ng Maid in Malacañang, mabuti pa kami at alam namin samantalang siya ay walang alam.

“Kumalat na sa inyo, sa ‘kin, ‘di pa nakakarating,” natatawa niyang sambit.

“Wala pa, magpo-focus muna ‘ko sa aking YouTube channel para dito sa ating… Actually, mas malaya kasi ako, eh, na nakakapag-show sa YouTube channel ko sa usaping politiko.

“Kasi, ‘di ba, sa TV maingat sila, hindi sila basta-basta nakakapagpalabas. Sa mga network station, hindi tayo basta-basta nakakapagpalabas ‘pag politiko ka.

“Kaya mas malaya akong makapagpalabas sa buhay-pulitika ko sa YouTube channel ko,” paliwanag ni Karla.

Matatandaang nanalo ang Tingog party-list nitong nakaraang eleksyon kung saan ay tumakbo siya bilang third nominee. Kaugnay nga nito ay tuluyan na siyang nagpaalam sa Magandang Buhay.

Pero ikinatutuwa raw niya ang nangyayari ngayon na tila nawawala na ang network war at mukhang nagkakaroon na ng pagkakaisa.

“Napapalabas na tayo sa ibang mga stations na dapat ganu’n. Sana, maging ganu’n na para hindi tayo nakakahon sa isang station,” aniya.

Nilinaw din niya na ang anak niyang si Daniel Padilla ay mananatiling Kapamilya.

“Ang family namin ay talagang… grateful kami sa Kapamilya. Hindi ko na ie-elaborate pero grabe ang pinagsamahan namin,” she said.

Dahil napag-usapan na nga si Daniel, natanong namin si Karla kung mag-aasawa na ba ito.

Ayon sa aktres ay gusto na nga raw niya dahil gusto na niyang magkaapo.

“Gusto ko na nga. Kasi bata akong nagkaroon ng Daniel. ’Di ba, bente (20 years old) lang ako no’n,” sey niya.

Dagdag pa niya, “Gusto ko na para siyempre may lakas ka pang ma-enjoy ‘yung apo mo.”

Ready na raw siyang maging lola at ang malaking tanong na lang ay kung ready na rin ba sina Daniel at Kathryn Bernardo na maging magulang.

“Sila ang makakapagsabi no’n, hindi ako,” sey niya.

Samantala, si Karla ay gumaganap bilang isa sa mga yaya ng pamilya Marcos sa Maid in Malacañang na si Yaya Santa.

Ang kwento ng pelikula ay tungkol sa last 72 hours ng mga Marcos sa Palasyo. Ipapalabas ito worldwide sa Aug. 3 mula sa direksyon ni Darryl Yap.

AUTHOR PROFILE