AFP

US aayuda sa pagdadala ng aid sa Davao landslide victims–AFP

February 12, 2024 Zaida I. Delos Reyes 115 views

TUTULONG sa paghahatid ng mga relief aid sa mga biktima ng landslide sa Davao de Oro ang dalawang Hercules aircraft ng US Marine Corps, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nasa Villamor air base na ang dalawang aircraft at nakaantabay sa mga isasakay na tulong sa mga biktima.

Mula sa Marine Expeditionary Force ang mga miyembro ng US Marines na aalalay at tutulong sa disaster relief mission partikular na sa paghahatid ng mga essential supplies.

Plano ng AFP na gawing apat na beses ang paghahatid ng tulong sa isang araw gamit ang dalawang aircraft.

Paliwanag ng AFP, bahagi ang joint effort na ito ng commitment ng dalawang bansa na magtutulungan sa humanitarian assistance at disaster relief na siyang napagkasunduan sa US-PH Maritime Cooperative Activity.

“The AFP and the US Armed Forces are continuously working hand-in-hand to provide efficient support to the troops during the entirety of the said operations,” dagdag ng AFP.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Lunes, umabot na sa 55 katao ang nasawi, 32 ang sugatan at 63 pa ang nawawala sa naganap na landslide sa Maco, Davao de Oro.