PCG

71 pasahero nailigtas sa nasiraang RORO vessel sa Northern Samar

February 12, 2024 Zaida I. Delos Reyes 53 views

AABOT sa 71 pasahero ang nailigtas matapos na magkaaberya ang sinasakyang Roll-on, Roll-off vessel habang naglalayag sa Capul Island sa Northern Samar nitong Linggo.

Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard, nagkaroon ng engine failure ang MV Reina Hosanna sa kalagitnaan ng kanilang biyahe.

Patungo ang barko sa Allen, Northern Samar nang maganap ang insidente.

Bukod sa mga pasahero, ang barko ay kargado rin ng 16 na sasakyan, isang Isuzu Elf truck, isang Isuzu forward truck, isang trailer at walong 10-wheel trucks mula sa Matnog, Sorsogon.

Ayon sa ulat dahil sa lakas ng hangin at malalaking alon ay sumadsad ang barko sa dalampasigan ng Sitio Sagaosawan, Barangay 1 sa Capul Island.

Ang sumadsad na barko ay tinangka ring tulungan ng MV Reina Immaculada subalit nabigo ito.

Sa kalaunan, pinagtulungan ng Coast Guard Sub-Station sa Capup at local government unit ang rescue operation para mailigtas ang mga pasahero na lulan ng barko.