Default Thumbnail

Upside and downside ng digital age

December 29, 2023 Allan L. Encarnacion 193 views

Allan EncarnacionMARAMI sa atin ang mas pinataas ang standard ng buhay dahil sa social media.

Kung benepisyo ng digital age ang pinag-uusapan, walang argumento na pinadali nito ang buhay nating lahat. Noong araw, kailangan mong mag-voice recorder para iyong taped na ginawa mo ang siya mong ipapada sa kamag-anak mong nasa abroad or vice versa para magkumustahan.

Sabay-sabay kayong nakikinig sa recorded voice message habang nakasalang sa casette tape player na para kayong nanonood ng sine or nakikinig ng drama sa radio. Mayroon pang telegrama noon na ang per word or per letter ang bayad kaya iyong mga mensaheng napakaimportante, barok ang version para makatipid. Sample: “Padala pera, sakit nanay.”

Ngayon, kahit nasaang sulok ng mundo, makakausap mo na ang iyong namimis na mahal sa buhay with matching video pa. Noong nagsisimula pa lamang kaming reporter, naipapadala namin ang mga news item sa pamamagitan ng pagtawag sa landline. May isang naka-assigned na deskman sa office na siyang sasapo ng phone-in story mo via dictation from end to end. Sakit sa leeg habang nakaipit sa phone receiver dahil wala pa namang speaker phone noon.

Hanggang sa dumating ang fax machine na pagpapadala ng news story mo gamit iyon. Isang dial mo lang, kapag narinig mo na ang fax tone, walang limang minuto nasa opisina nyo na ang iyong istorya. Ngayon, may email na, puwede ka pang magpadala ng story or details via text messages. Walang sampung segundo, natanggap na ang story mo.

Kahit nga nasa abroad ka, makapagtatrabaho kahit sa kahit anong propesyon. May online burol na nga!

Kahit ang paraan ng ating pagbabangko or pag-iimpok at pagpapadala ng pera, lalong pinagaan ng digital na sistema. Noon money order sa post office na sangkatutak na rekesitos para makubra mo ang padalang P300. Banking online na lang ang katapat, instantly, natanggap na ng receiver ang pera. May bonus pa ngayong Gcash at Smartpadala.

Maging ang pagbabayad ng ating mga utility bills mula sa tubig, kuryente, monthly dues at iba pa ay nagagawa na rin natin kahit nasaan tayo. Nawala na iyong pupunta ka pa sa mga utility offices, bayad centers , etc, etc para pumila.

Kunsabagay, nagsimula ang lahat ng mga instant na yan sa instant coffee, instant noodles at mga shampoo sachet.

Ang upside talaga ng mga ito, mas pinadali ang ating pang-araw-araw na buhay. Ngayon kapag wala kang cellphone, hindi ko na alam kung taga-saan ka. Kahit saan naman may mga libre na ring internet or kung wala man, mayroon na ring mga unli data halos lahat.

Ang downside naman ng digital age, nawala na ang tiyaga ng maraming mamamayan, lalo na sa mga kabataan.

Napakaraming kabataan ang ayaw nang maghintay, magtiyaga, magtiis at makipagkapwa tao nang tama. Lahat ng gusto nila ay nasa kamay na nila pero iyong magandang traits ng isang mabuting manggagawa, mabuting kapwa ang nawawala sa iba.

Ngayong nariyan pa ang AI, hindi ko alam ko na ang alam kung ano na ang susunod na kabanata para sa ating lahat.

Sana nga lang ay pabuti ang mundo at hindi pasama dahil sa digital at AI age na ito.

[email protected]