‘Balik-loob’ ni Gov. Oaminal sa mga NPA, epektibo!
KARANIWAN nang reaksyon ang takot at pangamba kapag nabanggit ang Mindanao pagdating sa usapin ng katahimikan at kapayapaan.
Kamakailan lamang ay makailang-beses tayong nagtungo sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, at personal natin nasaksihan, mga kabayan, na hindi totoo ang impresyon na magulo at mapanganib doon, partikular sa Misamis Occidental at Ozamis City.
Sa tatlong araw natin pamamalagi sa Misamis Occidental may dalawang linggo na ang nakakaraan, hindi ko nakita ang larawan ng kaguluhan o panganib sa rehiyon. Malaya at payapang nakakapag hanapbuhay ang mga tao at normal ang kanilang pamumuhay.
Wala tayong naramdaman na pangamba sa kanilang pamumuhay mula sa mga residente, at maging ang mga negosyo ay masigla, gayundin ang mga turista na ating nakasabay sa lugar.
Katunayan, idineklara na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na “insurgency-free” ang lalawigan ng Misamis Occidental sa ilalim ng mahusay na liderato ni Gov. Henry Oaminal, Sr.
Mismong ang commander ng 1st Infantry Division na si Maj. Gen. Gabriel Viray ang naghayag na naging matagumpay ang kampanya ng military sa paglansag sa New People’s Army (NPA) sa lalawigan dahil sa “all-out” support ni Gob Oaminal.
Ayon pa kay Gen. Viray, malaking tulong ang suportang pinansyal ni Gob sa paglalaan ng pondo sa ibinibigay na pabuya para sa pagbabalik-loob at pag-neutralize sa mga rebeldeng grupo.
Mantakin mo National Security Adviser Sec. Ed Año, nagbibigay pala si Gob. Oaminal ng tumagtaginting na P500,000 sa sinomang magbabalik-loob na rebeldeng NPA nang sa gayon ay may mapag-umpisahan kasama ang pamilya.
Kung ikaw ay rebelde at nagugutom sa kabundukan, hindi ka ba magbabalik-loob at pupunta kay Gob para makapagsimula ng bagong buhay?
Kaya naman naniniwala tayo sa adhikain ni Gov. Henry na maging isang tourist destination ang Misamis Occidental dahil marami siyang programa sa lalawigan upang makaakit ng mga turista at mga negosyante.
Kudos Gov. Henry!
Binabati rin natin ang ating kaibigan na si P/BGen Kirby Kraft sa kanyang kampanya para maging tahimik ang Caraga Region sa panahon ng kanyang panunuggkulan bilang regional director.
Bagama’t napalitan na sa puwesto kamakalian lamang, batid natin na ang mataas na crime clearance efficiency (CCE) sa 98.21 percent mula January 1 hanggang April 30, 2024 batay sa ulat ng Police Regional Office-13, ay naganap sa panahon ng kanyang pamumuno.
Sa kaparehong panahon, nakapagtala din ang PRO-13 ng 78.41 percent crime solution efficiency kung saan 2,234 sa 2849 na crime incidents ay naresolba.
Isa pang patunay ito na masidhi ang kampanya ng ating kapulisan upang maging mas matahimik sa rehiyon. Kudos Gen. Kraft at mabuhay ka!