Default Thumbnail

Unang Ginang palihim na tumutulong

November 21, 2022 Erwin Tulfo 306 views

TulfoLINGID sa kaalaman ng karamihan, tumutulong pala itong si First Lady Liza Areneta-Marcos hindi lamang sa mga mahihirap at ulila kundi maging sa mga naslanta ng kalamidad sa ating bayan.

Nitong nagdaang Bagyong Paeng, ilang beses tumawag sa ilang opisyal ng DSWD Maam Liza para magtanong kung ano-ano pa ba ang kailangan ng mga kababayan natin, bukod sa mga DSWD food packs at cash, na nasalanta ng naturang bagyo.

Madaming nag-donate kasi sa Office of the First Lady ng kung ano-anong bagay tulad ng mga canned goods, rice, tsinelas, vitamins, at iba pa.

Pero palihim namang ipinamamahagi ng unang ginang ang mga bigay ng mga malalapit nyang kaibigan para sa mga biktima ng kalamidad. Usap-usapan kasi sa loob ng Malacanang na ayaw daw talaga ipaalam ni FL Liza ang kanyang mga charitable works sa mainstream at social media.

“Hindi po kasi sanay si Maam na napapa-publish ang mga ginagawa niya. Nahihiya po sya at ayaw nya mabansagan na epal at hindi niya gusto na sapawan ang kawanggawa na ginagawa ng kanyang asawa na si Pangulong Marcos Jr.,” ayon sa isang staff ni Mrs. Araneta-Marcos na ayaw na magpabanggit ng pangalan.

Ugali na raw talaga nilang mag-asawa na tumulong sa mga maliliit na kababayan natin. At kahit na natalo sa pagka-vice president noon ang Pangulo, tuloy-tuloy lang ang pagbibigay nilang dalawa ng ayuda noong kasagsagan ng COVID-19.

Galing sa angkan ng mayayaman si Maam Liza pero hindi ito naging balakid para tumulong sya sa mga mahihirap sa bansa kahit noong dalaga pa ito at nagtatrabaho sa New York, USA.

Matatandaan na noong nakaraang buwan, dinalaw ni First Lady Marcos ang DSWD Elsie Gaches Village sa Alabang, Muntinlupa. Ang Elsie Gaches ay tahanan ng mga batang may kapansanan na inabandona ng kani-kanilang pamilya.

Ilang beses lumuha ang Unang Ginang ng marining ang mga kwento ng mga bata doon at kung papaanong iniwan na lamang ang mga batang may kapansanan sa pangangalaga ng DSWD.

Nangako si Maam Liza na sasagutin ang pagkuha ng karagdagang social workers para maalagaan at matutukan ang mga nakatira sa nasabing village.

Sinagot na rin ng ilang kaibigan ng maybahay ni PBBM ang pagpapagawa ng ilang nabubulok na gusali sa nasabi pa rin lugar.

Minsan ko na ring natanong ang Unang Ginang kung bakit tila ayaw niya makunan ng litrato o video o mabalita na tumutulong siya sa mga mahihrap. Simple ang sagot ng Unang Ginang ng bansa, “Ayaw kong pangunahan ang trabaho ng Pangulo at ng DSWD sa pagbibigay ng tulong”.

“Sapat na yung ipadaan ko na lang sa DSWD ang mga donasyon ng mga close friends ko at sila na ang mamigay ng tulong,” dagdag pa ni First Lady Araneta-Marcos.

AUTHOR PROFILE