Default Thumbnail

Privatization na naman ba?

November 21, 2022 Paul M. Gutierrez 328 views

PaulNAGPAHAYAG ng suporta si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa pagsasapribado ng busway system sa paniwalang makapagpapaunlad ito ng operasyon ng transport system sa bansa.

Sinabi ito ni Sec. Bautista kasabay ng pagpapasinaya sa bagong busway station sa Ayala para sa mga pasahero patungong Timog ng Kamaynilaan. Ayon sa Kalihim, magiging mas efficient ang operasyon ng mga busway station kung papupunta sa pribadong sector.

Nakakatuwa at nakakainis isipin na ang mga departamento ng gobyerno na imbes na paunlarin ang kalidad ng trabaho at serbisyo ay mas itutulak na lang ito sa pribadong sektor. Parang ipinamumukha sa publiko na kapag gobyerno ang nagtrabaho ay walang aasahang magandang serbisyo.

Dahil sa matagal na panahon ito naman talaga ang nangyayari sa atin. Ito kasi ang nakikita at nararanasan ng publiko na kapag gobyerno ang nagpatakbo ay pangit na kaagad. Hindi maganda ang management na ginagawa at tila walang pakialam sa kanilang trabaho kaya ang publiko na nagsusuweldo sa mga ito ang laging napeperwisyo.

Hindi natin maintindihan kung kailan tayo makakawala sa ideyang ang pribadong sektor lamang ang tanging makakagawa ng mahusay na trabaho?

Hindi ba ito kayang gawin ng mga ahensiya at departamento ng gobyerno? Ang iisipin na lamang ba ng mga nakaupo ay kung kaninong pribadong sektor ibibigay ang serbisyong dapat gobyerno ang gumagawa?

Kung ganyan lang din naman ang takbo ng pag-iisip ng mga nanunungkulan hindi na natin kailangan ng mga ahensiya ng gobyerno sa pamahalaan.

Huwag na tayong magbigay ng serbisyo sa transportasyon para sa publiko, huwag na tayong magbigay ng serbisyo sa kalusugan o kahit sa edukasyon. Ibigay na lang natin lahat sa pribado. Baka mabawasan pa ang buwis ng mga mamamayan total hindi rin naman pala sila mabibigyan ng serbisyo kundi mga nasa pribadong sektor din.

Aaminin natin na marami talagang hindi natutuwa sa serbisyo ng gobyerno gaya halimbawa ng transportasyon. Tignan mo lamang ang MRT araw-araw at kung paano mag-agawan sa dyip at bus ang mga pasahero lalo na kung rush-hour.

Baka nga naman pribadong sektor lang ang kanilang pag-asa para guminhawa ang pagko-commute. Pero ano ba ang kapalit nang “magandang” serbisyo ng mga pribadong sektor – hindi ba pera? Ibig sabihin pagkakataon ng mga pribadong sektor na ito halimbawa gaya ng mga Ayala na pagkakitaan ang serbisyong ibinibigay dapat ng gobyerno.

Sa tingin ba natin, abot-kaya lagi ang presyo ng pribadong sektor? Hindi. Dahil ang gusto ng mga ito ay magnegosyo. Gusto nilang kumita. Hindi sila papasok sa anumang kasunduan na hindi makakatulong para sila ay mas yumaman.

Sa ganitong sitwasyon taumbayan ang siyang talo. Dahil naririyan ang gobyerno kung saan sila nagbabayad ng buwis para magkaroon ng magandang serbisyo pero ipapasa lang din naman pala sa pribadong sektor ang kanilang trabaho.

Nakita na natin kung paano magbigay ng serbisyo ang pribadong sektor mula sa mga isinapribadong asset ng gobyerno. Sabihin na nating maganda nga ang serbisyo pero “maganda” rin ang presyo.

At kapag nagkaroon ng problema ang publiko, nakakatakbo ba sila sa gobyerno? Kapag ba may nilabag o nagsamantala ang malalaking korporasyon gaya ng Ayala makakapalag ba ang gobyerno?

Nakakatawa na nakakainis na mismong pinuno pa ng departamento ang siyang pumupuri sa pribadong sektor para makapagbigay ng serbisyo na dapat ginagawa nito. Dahil kung tutuusin, hindi natin kailangan ng pribadong sektor kung maayos ang pagpapatakbo at may political will ang mga nakaupo sa puwesto.

May mga pagkakataon na kailangan natin ang pribadong sektor aminin man natin o hindi. Pero kung lahat na lamang ng serbisyo ay nakatingin tayo sa pribadong sektor para gawin hindi tayo uunlad.

Parang ipinapakita natin sa publiko na hindi natin kayang magbigay ng magandang serbisyo sa kanila. Binibigyan natin sila ng dahilan na maniwala na wala silang maasahang magandang serbisyo kapag gobyerno ang nagpapatakbo.

Trabaho ng gobyerno ang magbigay ng magandang serbisyo, hindi ng pribadong sektor. Ganoon lang kasimple. Pwede naman magtrabaho, binabayaran naman kayo. Maliban na lang kung may iba pang nagbabayad sa inyo.

AUTHOR PROFILE