Default Thumbnail

Taguig’s Finest at ang protesta ng mga vendors sa Tarlac City

November 21, 2022 Allan L. Encarnacion 424 views

Allan EncarnacionSALUDO tayo sa lokal na pamahalaan ng Taguig City at ng buong liderato ng PNP ng lungsod sa kanilang mabilis at sophisticated na paraan ng pagkakalutas na matinding bomb scare na kagagawan ng mga taong natutuwa kapag nakakalikha ng gulo sa komunidad.

Magandang test case para sa lahat ng lokalidad ang ginawang ito ni Mayor Lani Cayetano at ng Taguig City PNP, lalo na ngayong digital age na nagkalat ang mga taong gustung-gustong nagwawalanghiya sa kanilang kapwa.

Natunton ng Taguig government ang mismong tao na nagpakalat ng bomb scare at nagbanta pa ng papatayin ang mga guro at estudyante.

Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, ng lokal na pulisya at ng PNP National Police anti-cyber crime division, nakuha ang buong detalye ng mga taong naghahasik ng gulo sa lungsod at nagbantang pasasabugin ang mga paaralan sa Taguig.

Kaya nga importante ang registration ng lahat ng SIM card para matigil hindi lamang ang scamming bagkus ay pati na ang panggugulo sa maayos na pamumuhay ng komunidad.

Nanawagan tayo kay Mayor Lani at sa Taguig PNP na ibandera sa publiko ang pangalan at mukha ng mga taong resposable rito. Isama na rin kahit iyong Grade 9 na siyang sentro o pinagmulan ng mga banta.

Kaya dumarami ang mga kriminal na bata kasi itinatago pa natin ang kanilang pagkakakilanlan at pinakakawalan din natin sila kapag nalamang minor dahil sa dikta ng Juvenile Justice Act!

Kung kaya nilang gumawa ng kasamaan gamit ang kanilang pagiging bata, dapat kaya rin nilang tanggapin ang kahihiyang dulot ng kanilang ginawa!

Ganito dapat ang pamantayan natin, kapag kriminal ka, nababawasan ka na ng mga karapatan, lalo na ang pagkubli sa iyong pagkatao!

Ipaskil natin sa plaza ang pagmumukha ng mga yan para hindi na tularan.

***

Ano na ba ang nangyayari dyan sa Tarlac City at bakit nagkaroon ng malaking kilos-protesta ang mga vendors sa palengke?

Nagrereklamo ang mga vendors sa RUA Market na pinatatakbo ng city hall dahil sa iba’t ibang isyu gaya ng masyadong mababa ang bubong na nagiging dahilan ng sobrang init at nahihirapan silang huminga, walang maayos na drainage system kaya hindi umaagos ang mga mabahong tubig sa buong palengke at masyadong mahal ang parking fee. Iyong mga malalaking sasakyan gaya ng pangbiyahe ng isda ay umaabot umano sa P150 ang bayad sa parking.

Nanawagan tayo kay Governor Susan Yap na mamagitan sa problema ng lokal na pamahalan ng daan-daang vendors na nagrereklamo.

Umaasa tayong magkakaroon ng win win solution ang Tarlac City Hall sa problemang ito para konbinyente ng mga mamimili at ng mga maliliit na negosyante.

Idaan nyo na sa “maboteng” usapan yan para lahat ng panig ay makinabang.

Peace on earth, goodwill to all men.

[email protected]